Pacquiao-Khan fight iniurong sa Mayo 20

MANILA, Philippines - Maghaharap sina eight-division world champion Manny Pacquiao at Amir Khan sa Mayo 20 sa halip na sa Abril 23.

Ito ang inihayag ng adviser ni Pacquiao na si Michael Koncz upang magkaroon aniya ng sapat na panahon upang mai-promote ang laban.

Hindi naman nagbago ang pagdarausan ng Pac­quiao-Khan fight dahil sa United Arab Emirates pa rin ito gaganapin.

“We decided to move it to May 19 here (US) and May 20 in the United Arab Emirates so we’d have time to promote it properly and make it a huge success,” wika ni Koncz sa panayam ni Kevin Iole ng Yahoo! Sports.

Sumang-ayon naman si Top Rank Inc. chief Bob Arum matapos ang ka­nilang pagkikita sa Las Ve­gas, Nevada kahapon.

Nakatakda namang kausapin ni Koncz ang kampo nina Pacquiao at Khan upang ipaalam ang desisyon subalit posibleng mas maunang malaman ng dalawang boksingero ang naturang pagbabago sa social media.

Pinag-aaralan pa kung saang parte ng UAE idaraos ang laban - sa Abu Dha­bi o Dubai - ngunit siniguro ni Koncz na maipa­lalabas ito sa pay-per-view ng Amerika.

Gumawa kamakailan si Pacquiao ng Twitter poll kung saan tinanong nito ang kanyang followers na “Who do you want me to fight next in the UAE?”

Base sa resulta ng poll, lumabas na nais ng mga tagahanga nito na si Khan ang kanyang makaharap.

Nakakuha si Khan ng 48% sa 44,815 kabuuang boto. Pumangalawa si Kell Brook (24%) habang ikatlo si Terence Crawford (21%).

Show comments