Iwas disgrasya na lang kay Morales
ILOILO CITY, Philippines - Ito na ang taon kung saan puwede niyang makamit ang inaasam na kauna-unahang korona sa LBC Ronda Pilipinas.
Ngunit ayon kay Rudy Roque ng Navy-Standard Insurance, masaya na siyang maging runner-up sa kakampi at nagdedepensang si Jan Paul Morales.
“Kung hindi ko makukuha, magiging masaya pa rin ako kasi teammate ko naman ang magtsa-champion eh,” sabi ng 25-anyos na si Roque sa 31-anyos na si Morales.
Bibitawan ngayong umaga ang Stage 12 Individual Time Trial sa Guimaras na ayon kay Morales ay magiging krusyal hinggil sa pag-angkin niya sa titulo ng 14-stage race na inihahandog ng presentor na LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance.
“Dito na magkakaalaman,” sambit ng tubong Calumpang, Marikina sa naturang nasabing 40-kilometer ITT.
Ang pambato ng Tibo, Bataan na si Roque ang nagsuot ng Red Jersey simula sa Stage One hanggang Stage Seven bago ito naagaw sa kanya ni Morales sa Stage Eight.
Hawak ni Morales ang overall individual lead sa kanyang oras na 37:25:56 kasunod sina Roque (37:28:11), Cris Joven (37:37:03) ng Kinetix Lab-Army, Bryant Sepnio (37:41:33) ng Go for Gold, Leonel Dimaano (37:46:05) ng RC Cola-NCR.
Si Roque ang naghari sa nakaraang Stage 11.
“Gagawin ko lang kung ano ang kaya ko, pero kung hindi ko maipapanalo ay susuporta na lang ako kay Jan Paul,” wika ni Roque.
Ang iba pang nasa Top 10 ng individual event na naglalatag ng premyong P1 milyon ay sina Ryan Serapio (37:47:16) ng Team Ilocos Sur, Daniel Ven Carino (37:48:28), Lloyd Lucien Reynante (37:48:43) at Ronald Lomotos (37:48:45) ng Navy at Reynaldo Navarro (37:49:49) ng Army.
Samantala, pakakawalan naman bukas ang 209-km Iloilo-Antique-Iloilo Stage 13 at ang 50-km Stage 14 criterium sa Sabado.
- Latest