MANILA, Philippines - Dinungisan ng Jose Rizal University ang rekord ng Racal sa pamamagitan ng 77-75 desisyon upang angkinin ang kanilang ikatlong panalo sa 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao.
Napaganda ng Heavy Bombers ang rekord nito sa 3-3 para samahan ang Tanduay na may katulad na marka sa ikalimang puwesto.
Ang kabiguan ng Tile Masters ang naging daan upang mabuo ang three-way tie sa unahan ng standings kasama ang Cafe France at Cignal-San Beda na pare-parehong may 5-1 baraha.
Sa unang laro, ginulantang ng Wangs Basketball ang AMA Online Education sa bisa ng 98-93 panalo.
Nagsilbing lakas ng Couriers si Von Tambeling na kumana ng 21 puntos tampok ang 5-of-8 shooting clip sa three-point area kasama pa ang pitong rebounds, apat na assists at tatlong steals.
Nakatuwang nito si Rey Publico na naglista ng double-double na 18 markers at 11 boards upang tuldukan ang five-game losing skid ng Wangs.
Nagdagdag naman si John Tayongtong ng 16 puntos at limang rebounds samantalang may 16 puntos si Marlon Gomez at 14 galing kay Mark Montuano.
“Chinallenge ko lang sila kasi mas maganda talunin yung may pangalan,” ani Wangs coach Pablo Lucas.
Umangat sa 2-5 rekord ang Wangs habang nahulog sa 5-3 ang AMA.
Bumandera para sa Titans ang nagbabalik-aksiyong si Jeron Teng na kumamada ng 25 puntos at pitong rebounds gayundin si Juami Tiongson na may 21 puntos, dalawang boards at dalawang assists at Jay-R Taganas na may sariling 14 points at 18 rebounds.
Ngunit nabalewala ang lahat ng pagsisikap ng tatlo para sa Titans.
“Ang dami naming natutunan dun sa last game. This time, sinigurado na talaga namin,” sambit pa ni Lucas patungkol sa 96-97 kabiguan ng Wangs sa kanilang huling laro. (CCo)