OKLAHOMA CITY--Ipinoste ni Russell Westbrook ang kanyang pang-29 triple-double sa season para pangunahan ang Thunder sa 118-110 panalo laban sa bisitang New Orleans Pelicans.
Tumapos si Westbrook na may 41 points, 11 rebounds at 11 assists para sa pang-66 triple-double sa kanyang career.
Nag-ambag naman si Enes Kanter ng 20 points at 9 rebounds, habang nagtala si Steve Adams ng 13 points at 10 boards para sa ikatlong sunod na panalo ng Oklahoma City.
Sa isang highlight move ay nilundagan ni Westbrook ang 6-foot-11 at 270-pounder na si DeMarcus Cousins para sa kanyang right-handed jam laban sa bagong sentro ng Pelicans.
Nakahugot si Westbrook ng ikaanim na foul ni Cousins sa huling 2:38 segundo ng laro patungo sa panalo ng Oklahoma City.
Kumamada si Westbrook ng career-best na 21 fourth-quarter points.
Binanderahan naman ni Anthony Davis ang Pelicans sa kanyang 38 points, habang kumolekta si Cousins ng 31 points at 10 rebounds.
Ito ang ikatlong sunod na kamalasan ng Pelicans matapos mahugot si Cousins sa trade sa Sacramento Kings.
Sa Los Angeles, humakot si Blake Griffin ng season-high 43 points at nagtala si Chris Paul ng 15 points at 17 assists para pamunuan ang Clippers sa 124-121 overtime win laban sa Charlotte Hornets.
Nakahugot ang Hornets ng 34 points mula kay Kemba Walker at 31 markers kay Nicolas Batum, nagtala ng 8 of 13 sa three-point line.
Nagkaroon ang Charlotte ng pagkakataong manalo sa overtime, ngunit ang pasa ni Walker ay naagaw ni Los Angeles center DeAndre Jordan sa huling anim na segundo.
Ang follow up dunk ni Jordan mula sa mintis ni Paul ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Clippers.
Kinuha ng Clippers ang 113-108 bentahe sa huling 48.2 segundo sa fourth quarter matapos ang 3-pointer at nakumpleto ang three-point play ni Griffin.
Nagsalpak naman si Walker ng isang tres at dalawang free throws sa nalalabing 11.9 segundo para itabla ang Hornets.
Naimintis naman ni Paul ang kanyang 15-foot fall away na nagdala sa laro sa overtime.