MANILA, Philippines - Bumangon ang Cignal-San Beda sa kanilang malamyang panimula para maitakas ang 85-71 pananaig laban sa Tanduay sa 2017 PBA D-League Aspirant’s Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig kahapon.
Sinandigan ng Hawkeyes ang 23 puntos na pagtatapos ni Robert Bolick para ihatid ang koponan sa ikalimang sunod na panalo na naglagay sa kanila sa ikalawang posisyon.
Mula sa 17-4 pagkakabaon sa first quarter, nagsimulang manalasa ang Hawkeyes sa bungad ng final canto nang magsanib puwersa sina Bolick at Pamboy Raymundo sa opensa para agawin ang trangko sa 54-48 bago dinala sa 66-55 bentahe, may 6:45 na lang ang oras sa laro.
Nakakuha si Bolick, nagtala ng tatlong rebounds at talong assists, ng suporta kay Raymundo na tumapyas ng 10 puntos na nagpahirap sa Rhum Masters para malasap ang kanilang ika-3 kabiguan sa anim na laro.
Nauna rito, pinigil ng CafeFrance ang tangkang pagbangon ng Victoria Sports-MLQU nang itarak ang 95-84 panalo sa likod ng 27 puntos ni Congolese center Rodrigue Ebondo.
Ang panalo ay naghatid din sa Bakers sa ikalawang puwesto taglay ang 5-1 kartada na tulad ng Hawkeyes sa likod ng lider na Racal na may malinis na 5-0 baraha.