Soltones-Eroa duo mapapalaban na
MANILA, Philippines - Sisimulan nina Grethcel Soltones at Alyssa Eroa ng San Sebastian College ang pagdepensa sa titulo sa paglarga ngayong araw ng NCAA women’s beach volleyball tournament sa Lighthouse Marina sands sa Subic Bay.
Unang makakasagupa nina Soltones at Eroa kasama si reserve Daurene Claire Santos sina Shaira Mhae Hermano, Kimberly Joy Luzon at Danielle Marie Ramiro ng Mapua Institute of Technology sa umagang laro kasunod ang pakikipagtipan kina Jovielyn Prado, Regine Arocha at Jenicalynne Tan ng Arellano University sa panghapon na bakbakan.
Makikipagtipan din ang Lady Stags kina Jose Rizal University bets Shola Alvarez, Rosalie Pepito at Mercy Grace Rivera sa kanilang huling asignatura ngayong araw.
“The girls have something to prove after our recent loss,” ani San Sebastian coach Roger Gorayeb.
Pakay ng Lady Stags na makuha ang ikaapat na sunod na korona at ikapitong kabuuang titulo.
Ibabandera naman ng reigning men’s titlist Mapua sina Rey Arth Andaya, Sam Damian at Alfredo Pagulong na sasagupa kina Jose Rizal spikers Ronaldo Dampitan Jr., Jethro Ferwelo at John Michael Flor.
Lalabanan din ng Cardinals sina Christopher Cistina, Bobby Gatdula at Zecharia Sison ng Colegio de San Juan de Letran, at sina Christian Calonia, Jahir Ebrahim at James Christian Eugenio ng San Sebastian.
Sa juniors, dedepensahan din ng San Sebastian ang korona nito kung saan unang makakaharap ng Junior Stags ang Jose Rizal at Arellano.
- Latest