Roque nakatikim ng Lap Victory

Itinaas ni Rudy Roque ng Navy ang kanyang kamay pagpasok sa finish line ng Stage 10 ng Ronda Pilipinas.
Ernie

ANTIPOLO CITY , Philippines - Sa unang pagkakataon ay nakapanalo ng lap ang dating may suot ng Red Jersey na si Rudy Roque ng Navy-Standard Insurance sa 2017 LBC Ronda Pilipinas.

Nagsumite ang 25-anyos na tubong Tibo, Bataan ng tiyempong tatlong oras, 57 minuto at 39 segundo sa 140km-Stage 11 na nagsimula sa Calamba, Laguna at nagtapos dito.

“Ang game plan namin talaga ay kunin ang stage na ito,”  sabi  ni  Roque, hinawakan ang overall indi­­vidual lead at ang Red Jersey mula sa Stage One hanggang Stage Seven bago ito naagaw ng kakampi niyang si Jan Paul Morales.

“Siguro kanina nakondisyon lang kaming dalawa sa palitan bago niya ako pinakawalan sa Mabitac (Laguna), kaya hindi na ako huminto,” dagdag pa ni Roque, anak ng dating Tour campaigner na si Manolito.

Naunahan ni Roque sa pagtawid sa finish line sina Morales (3:59:43), Ronnel Hualda (3:59:43), ng Go for Gold, Lord Anthony del Rosario (4:01:14), ng Kinetix Lab-Army, Jhunvie Pagnanawon (4:01:14), ng Bike Extreme, Reynaldo Navarro (4:01:14), ng Army, Lloyd Lucien Reynante (4:01:16) at Stage One winner Ronald Lomotos (4:01:24), ng Navy, Cris Joven (4:01:24), ng Army at Bryant Sepnio 4:01:24), ng Go for Gold.

Ibinulsa ni Roque ang lap prize na P20,000, habang napasakamay nina Morales at Hualda ang P10,000 at P5,000, ayon sa pagkakasunod.

Sa kabila ng kanyang kabiguan ay napanatili pa rin ng 31-anyos na si Morales ang pagsusuot sa Red Jersey sa kanyang oras na 37:25:56 kasunod sina Roque (37:28:11), Joven (37:37:03), Sepnio (37:41:33), Leonel Dimaano (37:46:05) ng RC Cola-NCR, Ryan Serapio (37:47:16) ng Team Ilocos Sur, Daniel Ven Carino (37:48:28) ng Navy, Reynante (37:48:43) at Lomotos (37:48:45) ng Navy at Navarro (37:49:49).

“Naghabol ako pero hindi ko na idinikit kay Roque kasi nakabantay sa akin si Hualda,” sabi ni Morales, naghari sa Stage Two, Three at Seven ng 14-stage race na inihahandog ng presentor na LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance.

Si Carino ang nangu­nguna sa Best Young Rider (Yellow Jersey) category sa kanyang bilis na 37:48:28, habang patuloy ang pagtrangko ng Navy sa overall team classification sa kanilang 151:00:31) kasunod ang Go for Gold (151:52:48) at Army (151:58:46).

 

Show comments