AMA mapapalaban sa Blustar

MANILA, Philippines - Puntirya ng AMA Online Education na masungkit ang ikalimang panalo sa pakikipagtipan sa Blustar ngayong umaga sa pagpapatuloy ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup sa JCSGO Gym sa Cubao.

Masusubukan ang tikas ng AMA sa pagkakataong ito dahil dahil wala ang ka­nilang top scorer na si Jeron Teng na kasalukuyang nasa  Dubai para samahan ang Mighty Sports sa kampanya nito.

Maghaharap ang Titans at Dragons sa alas-11 ng umaga kasunod ang duwelo ng Batangas (1-4) at Wangs Basketball (1-4) sa ala-una ng hapon.

“Di naman kami totally umaasa lang kay Jeron. May iba rin naman kaming players na capable mag-step up so maga-adjust kami,” ani  AMA coach Mark Herrera.

Kaya naman maiiwan ang pasanin kina Juami Tiongson, Ryan Arambulo, Jay-R Taganas at PJ Barua upang madugtungan ang two-game winning streak ng Titans.

Nasa ikaapat na puwesto ang Titans hawak ang 4-2 marka habang nangunguna ang Racal na may malinis na 5-0 baraha. Magkasalo naman sa ikalawa ang Cignal-San Beda at Cafe France na may magkatulad na 4-1 marka.

Inaasahang gigil na sasalang ang Blustar na wala pa ring panalo sa kanilang apat na laro.

Show comments