Morales ipinaubaya kay Quitoy ang stage 10
TAGAYTAY CITY, Philippines - Marunong si Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance na tumanaw ng utang na loob.
Ipinakita ito ng nagdedepensang kampeon nang hayaan si Roel Quitoy ng Team Mindanao na unang tumawid ng finish line para angkinin ang 130 kilometer-Stage 10 ng 2017 LBC Ronda Pilipinas na dumaan sa ilang kalsada ng Batangas kahapon dito.
Nagsumite ang 25-anyos na tubong Zambaoanga City na si Quitoy ng tiyempong tatlong oras, 25 minuto at 29 segundo para sa kanyang unang lap victory at ibulsa ang premyong P20,000.
“Deserving naman talaga si Quitoy na manalo rito sa Stage 10 kasi siya ang nagdala sa grupo at sa akin para makalayo kami,” wika ng 31-anyos na si Morales, nauna nang pinagharian ang Stage Two, Three, Six at Nine.”
Nagpasalamat naman si Quitoy, hiniram ang kanyang bisikleta sa team manager na si Paul Tan ng Multi Sport Bike Shop, kay Morales. “Nagpapasalamat ako kay Jan Paul dahil ibinigay niya itong lap sa akin,” ani Quitoy, isang bike mechanic.
Tumapos si Morales, hangad maging unang back-to-back champion ng LBC Ronda Pilipinas, sa ikalawa sa kanyang oras na 3:25:31 kasunod sina Ronnilan Quita (3:26:50) ng Kinetix Lab-Army at Jay Lampawog (3:26:50) ng Navy.
Bagama’t isinuko ang Stage 10 kay Quitoy ay patuloy pa ring hinahawakan ni Morales ang Red Jersey sa kanyang 33:26:24 para sa overall individual lead ng 14-stage race na inihahandog ng presentor na LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance.
Nasa ilalim ni Morales sina Roque (33:30:50), Joven (33:34:39), Lampawog (33:37:48), Jonel Carcueva (33:38:40) at Bryant Sepnio (33:39:09) ng Go for Gold, Leonel Dimaano (33:39:28) ng RC Cola-NCR, Ryan Serapio (33:41:39) ng Team Ilocos Sur, Daniel Ven Carino (33:42:51) ng Navy at Quita (33:45:29).
Umakyat naman ang Team Ilocos Sur sa ikatlong puwesto sa overall team classification sa kanilang oras na 1:37:14:12 sa ilalim ng nangungunang Navy (134:59:29) at Kinetix Lab-Army (135:46:37).
- Latest