NEW ORLEANS - Si Glenn Robinson III ang bagong slam dunk king matapos kunin ang assist sa kanyang Indiana teammate na si Paul George at liparan ang Pacers’ mascot at isang Pacers cheerleader.
Nilundagan ni Robinson ang tatlo para isalpak ang matinding two-hand, reverse jam at makuha ang perfect score sa kanyang final dunk.
Tinalo ni Robinson si Phoenix Sun’s bet Derrick Jones Jr., nabigong makumpleto ang kanyang una sa dalawang dunk sa final round.
Nakahugot si Jones ng perfect score sa kanyang ikalawang dunk kung saan niya tinanggap ang isang bounce-pass, inilusot ang bola sa pagitan ng kanyang mga binti bago isalpak ang isang left-handed jam.
Sa three-point contest, inagawan ni Houston Rockets guard Eric Gordon ng korona si Golden State splash brother Klay Thompson.
Tumipa si Gordon ng 21 points sa final-round tiebreaker nila ni Cleveland Cavaliers guard Kyrie Irving, ang 2013 winner na nagtala ng 18 points.
Naghari naman si Kristaps Porzingis ng New York Knicks sa big men’s Skills Challenge matapos talunin si Gordon Haywood ng Utah Jazz sa finals.