MANILA, Philippines - Sumandal ang Barangay Ginebra sa never say die mantra nito nang pataubin ang Star Hotshots sa Game 6 sa bisa ng agresibong 91-67 panalo upang dalhin ang serye sa deciding Game 7 sa Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Naitabla ng Gin Kings ang best-of-seven semifinals series sa 3-3 kung saan nakuha rin nito ang Game 3 (73-62) at Game 4 (93-86) habang naipanalo ng Hotshots ang Game 1 (78-74), Game 2 (91-89) at Game 5 (89-80).
Naikasa ni Sol Mercado ang 21 puntos, limang rebounds at apat na assists habang rumatsada rin si LA Tenorio na humataw ng 19 puntos, anim na rebounds at limang assists para sa Gin Kings.
“Malaking bagay yung experience namin sa past lalo na sa ganitong do-or-die game. Nandun yung puso namin. Hindi lang kami bibitaw hanggang sa Game 7 para makuha namin ito,” ani Tenorio.
Inaasahan ang matinding bakbakan sa tinaguriang Manila Clasico sa rubber match na lalaruin bukas sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Puntirya ng six-time Philippine Cup champion Hotshots ang ika-28 pagpasok sa finals habang ang Gin Kings naman ay nagnanais makahirit ng tiket sa finals sa ika-23 pagkakataon.
Huling nagkampeon ang Gin Kings sa Philippine Cup noong 2006-2007 season.
Samantala, magpupukpukan ang nagdedepensang San Miguel Beer at Talk ’N Text sa krusyal na panalo para masikwat ang tiket sa finals.
Lalarga ang do-or-die sa alas-7 kung saan tiyak na ibubuhos na ng Beermen at Katropa ang lahat ng lakas nito.
Nakuha ng SMB ang momento nang hablutin nito ang 104-88 panalo kontra TNT sa Game 6 upang maitabla ang serye sa best-of-seven semifinal series.
Pinuri ni Beermen mentor Leo Austria ang matikas na ipinamalas ng kanyang bataan na tunay na nakipagpatayan upang manatiling buhay ang kanilang pag-asa.
Malakas na puwersa ang nanggaling kay reining MVP June Mar Fajardo na kumana ng impresibong 23 puntos at 21 rebounds subalit malaki ang nakuha nitong suporta sa kanyang mga katropa partikular na si Arwind Santos na kumamada ng 21 puntos.
Hataw din sina Alex Cabagnot na nagtala ng 19 at Chris Ross na umariba naman ng 14 para lubos na pag-initin ang Beermen.
GINEBRA 91 - Mercado 21, Tenorio 19, Devance 14, Aguilar 11, Cruz 11, Ferrer 6, Taha 3, Jamito 2, Thompson 2, Helterbrand 1, Ellis 1, Caguioa 0, Mariano 0.
STAR 67 - Pingris 14, Barroca 13, Maliksi 9, Lee 8, Ramos 6, Melton 4, Jalalon 4, Reavis 4, Sangalang 3, Brondial 2, Abundo 0, Dela Rosa 0, Simon 0.
Quarterscores: 25-22, 38-39, 62-54, 91-67.