Baby Tamaraws vs NU Bullpups sa Finals

MANILA, Philippines - Hinablot ng Far Eastern University-Diliman ang hu­ling Finals berth sa pamamagitan ng kanilang dikit na panalo kontra sa Ateneo, 74-72 kahapon sa UAAP Season 79 Juniors basketball tournament na ginanap sa FilOil Flying V Arena ng San Juan City.

Umiskor si Jack Gloria ng 14 puntos sa payoff period bukod sa kanyang 11 rebounds para pangunahan ang malaking panalo ng Baby Tamaraws.

Dahil sa double-double performance ni Gloria, nakuha ng Baby Tamaraws ang karapatang lumaban kontra sa defending champion National University Bullpups sa best-of-three championship series na magsisimula sa Martes sa parehong venue.

Ito ang unang championship stint ng Baby Ta­maraws simula 2012 sa pangangalaga ni coach Mike Oliver laban din sa Bullpups.

“Ang galing ng mga players ko. Hindi sila bumigay,” sabi ni FEU coach Allan Albano.

Bukod kay Gloria, umani rin ng 22 puntos si Louell Gonzales.

Pinangunahan ni Jason Credo ang Eaglets sa kanyang 16 puntos, si  6’11 Kai Sotto ay tumulong din ng 16 kabilang na ang 12 mula sa second half para sa Ateneo na tumapos sa 79th season sa ikatlong puwesto.

 

Show comments