Ika-3 panalo dadagitin ng Lady Eagles sa Lady Falcons
MANILA, Philippines - Target ng Ateneo na madagit ang ikatlong panalo sa pakikipagtipan sa Adamson University sa pagpapatuloy ng UAAP Season 79 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Ilalabas ng Lady Eagles ang matatalim na kuko nito para pigilan ang Lady Falcons sa kanilang laro sa alas-4.
Magpapang-abot naman sa unang laro sa alas-2 ang Far Eastern University at University of the East.
Magkasalo ang Ateneo at defending champion De La Salle University sa No. 3 spot hawak ang parehong 2-1 marka sa ilalim ng nangungunang University of the Philippines at National University na parehong may malinis na 3-0 kartada.
Nasa ikalima naman ang FEU at University of Santo Tomas may magkatulad na 1-2 habang nasa ilalim ang UE at Adamson na wala pang panalo sa tatlong pagsalang.
Mataas ang moral ng Lady Eagles na galing sa 25-19, 24-26, 19-25, 25-16, 15-11 panalo laban sa Lady Tamaraws.
“Balanse naman ang team namin. Kailangan lang mag-contribute ng lahat ng players,” wika ni Ateneo assistant coach Sherwin Meneses na pansamantalang pinalitan si Thai coach Tai Bundit na kasalukuyang nasa Bangkok.
Mamanduhan ni setter Jia Morado ang ratsada ng koponan kasama sina Jhoana Maraguinot, Michelle Morente, Bea de Leon at Kim Gequillana gayundin sina open spiker Kat Tolentino at middle blocker Maddie Madayag.
Aasahan naman ng Lady Falcons sina Gema Galanza at Bernadette Flora na siyang nangunguna sa opensa ng San Marcelino-based squad.
Ngunit kinakailangan ng Adamson ng suporta mula kina Ronjean Momo, Joy Dacoron, Fatima Joaquin, Jellie Tempiatura at Chumcee Caole.
Gigil namang makabawi ang Lady Tams kaya’t asahan ang mainit na puwersa mula kina Remy Palma, Bernadeth Pons, Toni Basas at Jerilli Malabanan.
Sa men’s division, puntirya ng title holder Ateneo ang ikaapat na sunod na panalo sa pagharap nito sa Adamson sa alas-10 ng umaga habang magtutuos din ang FEU at UE sa alas-8.
- Latest