MANILA, Philippines - Sariwa pa sa matamis na three-peat ang University of Perpetual Help System Dalta matapos walisin ang Lyceum of the Philippines University sa finals ng NCAA Season 92 juniors volleyball tournament.
Subalit ngayon pa lang, nagpahayag na ang Junior Altas na handa nitong kubrahin ang ikaapat na sunod na kampeonato dahil mananatiling malakas ang kanilang lineup sa pangunguna nina skipper Gabriel EJ Casana, Paul Solamin, Marvien Castillo, Jody Margaux Severo, Ivan Encila at Ryuji Condrad Etorma.
“We will practically carry the same roster for the coming season and we hope to win it again,” wika ni Perpetual Help coach Sandy Rieta.
Madaragdagan pa ang puwersa ng Perpetual Help dahil nakuha nito si open spiker Noel Kampton na transferee mula sa National University.
“He will be an important addition to the team,” ani Rieta patungkol kay Kampton.
Pinuri nni Perpetual Help board representative Jeff Tamayo ang tagumpay ng Junior Altas.
“I’ve seen the boys worked hard and this is the product of all the work they’ve put in training,” pahayag ni Tamayo.
Hindi naging madali ang daang tinahak ng Perpetual Help matapos matalo sa Lyceum at Emilio Aguinaldo College sa eliminasyon.
Subalit ito ang nagsilbing motibasyon ng Juniors Altas upang makabangon at maabot ang tuktok ng standings. Tinalo nito ang Colegio de San Juan de Letran sa knockout stepladder semis kasunod ang pagpapabagsak sa twice-to-beat holder Brigadiers.