Bustamante, Pagulayan sasargo na

MANILA, Philippines - Raratsada sina legendary cue master Francisco ‘Django’ Bustamante at dating world champion Alex Pagulayan sa prestihiyosong 2017 World Pool Masters na magsisimula ngayong araw sa Tercentenary Sports Hall Victoria Stadium sa Gibraltar.

Unang sasalang ang two-time champion na si Bustamante na haharap kay reigning World Pool 9-Ball champion Albin Ouschan ng Austria sa first round ng torneong magpapatupad ng knockout system.

Makakaharap naman ni Pagulayan ang magwawagi sa qualifying tournament na nakalaan para sa mga lokal na manlalaro ng Gibraltar.

Tanging ang 16 pinakamahuhusay na cue masters sa mundo lamang ang inimbitahan ng mga organizers sa event na may nakalaang $20,000 premyo para sa magkakampeon at $10,000 sa runner-up.

Magkakamit naman ng $5,000 ang semifinalists at $4,000 sa quarterfinalists. habang ang first-round losers ay tatanggap ng $3,000 consolation prize.

Aarangkada rin sina 2015 champion Shane Van Boening ng Amerika, second seed Chang Jung Lin ng Chinese-Taipei at third pick Jayson Shaw ng Scotland.

Kasama rin sina Wu Jiaqing ng China, Niels Feijen ng Netherlands, David Alcaide ng Spain, Ralf Souquet ng Germany, Francisco Sanchez Ruiz ng Spain, Naoyuki Oi ng Japan, Wojciech Szewczyk ng Poland, Omar Al Shaheen ng Kuwait at Mark Gray ng England.

Maghaharap sa first round sina Van Boening at Sanchez-Ruiz, Alcaide at Souquet, Wu at Oi, Shaw at Szewcyk, Chang at Gray at si Feijen at ang runner-up sa Gibraltar qualifying event.

Sa kasaysayan ng torneo, hawak ni Souquet ang pinakamaraming titulo tangan ang anim na nakuha nito noong 1994, 1996, 2000, 2002, 2006 at 2011. Mayroon namang tig-dalawa sina Bustamante (1998 at 2001), Van Boening (2014 at 2015) at Thomas Engert ng Germany (2004 at 2007).

Show comments