Arellano nagtulung-tulong para maibalik ang titulo
MANILA, Philippines - Muling nakasakay sa ulap ang Arellano University matapos mabawi ang kampeonato sa NCAA women’s volleyball.
Kinumpleto ng Lady Chiefs ang impresibong three-game sweep laban sa thrice-to-beat San Sebastian College para masungkit ang kanilang ikalawang korona sa liga - ang una noong 2014 season.
Inirehistro ng Arellano ang 25-18, 25-20, 25-16 panalo sa Game 1, kasunod ang 18-25, 25-16, 25-11, 26-28, 15-13 desisyon sa Game 2 at ang 25-15, 22-25, 25-23, 25-16 pananaig sa Game 3 upang pigilan ang Lady Stags na binabanderahan ni three-time MVP Grethcel Soltones.
Naniniwala si Arellano mentor Obet Javier na ginabayan sila ng kanyang namayapang asawa sa buong panahon ng serye.
“From the start of the finals, I knew my wife was there. And I keep talking to her to help us and guide us because I knew she wants us to win the championship again,” ani Javier patungkol sa kanyang asawa na si Amy Marie na sumakabilang-buhay dalawang linggo na ang nakalilipas dahil sa lung cancer.
Bago pa man magsimula ang finals, ipinangako ng Lady Chiefs na i-aalay nito ang laro sa kanilang coach at namayapang asawa.
“I’m also thankful that my players kept telling me before the finals that they will dedicate the championship to her. The players showed heart and really worked hard to win this championship,” ani Javier.
Matibay na nasandalan ng Lady Chiefs sina Jovielyn Prado, Andrea Marzan at Ria Sante gayundin si playmaker Rhea Ramirez na siyang nagmando upang mabuo ang matatalim na plays ng kanilang tropa.
“It’s a total team effort. Nagtulung-tulong kami para makuha namin ito. Ang sarap ng feeling na nagbunga ang lahat ng paghihirap namin,” pahayag ni Prado na siyang itinanghal na Finals MVP.
“Yung Finals MVP award bonus na lang yun dahil ang target talaga namin, makuha ulit yung championship and we’re happy dahil nabawi namin,” aniya.
- Latest