Navy ‘di magbabago ng plano
PILI, Camarines Sur , Philippines -- Apat na pambato ng Navy-Standard Insurance ang nakapuwesto sa No. 1 hanggang No. 4 spot sa overall individual classification ng 2017 LBC Ronda Pilipinas.
Sinabi ni racing captain Lloyd Lucien Reynante na ito ang kanilang naging plano para sa 2017 LBC Ronda Pilipinas.
“Ang target namin ay first place. Kung makukuha namin ‘yung second o third place parang bonus na lang sa amin ‘yon,” sabi ng 38-anyos na anak ni dating Tour champion Maui Reynante.
Patuloy na hinahawakan ni Rudy Roque ang liderato at ang Red Jersey sa overall individual clasification sa kanyang oras na 18:12:48 kasunod ang kapwa Navymen na sina Stage One winner Ronald Lomotos (18:13:47), Daniel Ven Carino (18:14:43) at Stage Two at Three winner Jan Paul Morales (18:15:51).
“Pipilitin naming makapagpapasok ng walong riders sa Top 10,” wika ni Reynante sa kanilang plano.
Nasa ilalim nina Roque, Lomotos, Carino at Morales sina Stage Four king Cris Joven (18:16:08) ng Kinetix Lab-Army, Elmer Navarro (18:17:57) ng Go for Gold, Leonel Dimaano (18:18:01) ng RC Cola-NCR, Ismael Grospe (18:19:02) ng Go for Gold, Lord Anthony Del Rosario (18:19:44) ng Kinetix Lab-Army at Jonel Carcueva (18:20:33) ng Go for Gold.
Inangkin naman ni Jaybop Pagnanawon ng Bike Xtreme ang Stage Five-251-km noong Linggo rito.
“Wala na akong chance sa individual kaya pipilitin ko na lang manalo ng mga stages,” sabi ng anak ng 1986 Tour champion na si Rolando Pagnanawon.
Samantala, bibitawan ngayon ang 46.6-km Pili-San Jose Stage Six Team Time Trial sa 14-stage race na inihahandog ng presentor na LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance.
Nagtala ang Navy ng oras na 72:48:47 para ungusan ang Go for Gold (73:09:42) at Kinetix Lab-Army (73:21:41) sa overall team classification.
- Latest