MANILA, Philippines – Sesentro naman ang atensiyon ni Filipino-American Treat Huey sa dalawang malalaking torneong lalahukan nito - ang ATP World Tour events sa Mexico at Amerika.
Muling makakatambal ni Huey si Belarusian Max Mirnyi kung saan ipagtatanggol nila ang kampeonato sa Abierto Mexicano Tecel na gaganapin sa Acapulco, Mexico sa Pebrero 27 hanggang Marso 4.
Sasabak din sina Huey at Mirnyi sa BNP Paribas Open sa Indian Wells, California sa Marso 9 hanggang 19.
Masaya si Huey na makasama si Mirnyi sa ATP World Tour dahil nagtataglay ito ng malalim na karanasan at world No. 1 sa doubles.
“I’ve learned a lot playing with Max since the beginning of 2016. Being a former top 20 singles player and former No. 1 in the world in doubles he has so much knowledge of the game and his professionalism both during practice and after for recovery is the best I’ve ever seen,” pahayag ni Huey.
“It has helped me and made me better seeing that and incorporating a lot of what he does into my routines,” dagdag ni Huey.
Nakuha nina Huey at Mirnyi ang korona sa Acapulco tournament nang payukuin nila sina Alexander Peya ng Austria at Philipp Petzschner ng Germany sa championship round, 7-6 (5), 6-3 panalo.
Nais ni Huey na makabawi sa Indian Wells matapos lumasap ng kabiguan kasama si Martin Klizan ng Slovakia sa first round laban kina Jamie Murray ng Great Britain at Bruno Soares ng Brazil, 4-6, 7-6 (5), 9-11.
Galing sa matagumpay na kampanya si Huey sa Davis Cup Asia-Oceania Group II tie kung saan kasama nito sina Francis Casey Alcantara, Ruben Gonzales at Alberto Lim Jr. sa pagbitbit sa Pilipinas sa 4-1 panalo laban sa Indonesian.
Aarangkada pa ang Pinoy Cuppers sa Abril sa semifinals ng Davis Cup laban naman sa Thailand na idaraos sa Bangkok.