LBC Ronda Pilipinas: Joven pokus sa ika-2 lap victory

Kinokundisyon ni Cris Joven ng Kinetix Lab-Army ang kanyang bike bilang paghahanda ngayon sa Stage 5 na magsisimula sa Lucena at magtatapos sa Pili, Camarines Sur ng LBC Ronda Pilipinas.

LUCENA, Quezon, Philippines – Ang kanyang panalo sa Stage Four noong Huwebes sa Subic Bay sa Olongapo City ang lalo pang nagpalakas sa loob ni Cris Joven ng Kinetix Lab-Army para targetin ang ikalawa niyang lap victory.

“Kapag nakahanap ulit ako ng pagkakataon tala­gang iiwanan ko sila. Pero siyempre, dapat sakto ka sa timing,” sabi ng 30-an­yos na Private First Class.

Naghari si Joven sa 111-km Subic-Subic Stage Four sa kanyang bilis na dalawang oras, 40 minuto at  6 segundo na pumigil sa dominasyon ng Navy.

Noong Enero 11 lamang nagsimulang mag-ensayo ang tubong Iriga, Camarines Sur matapos sumailalim sa training sa Army.

Pakakawalan ngayong umaga ang Stage Five-251-kilometer na sisimulan dito at magtatapos sa Camsur Watersports Complex sa Pili, Camarines Sur.

Si Joven ay tubong Iriga, Camarines Sur at umaasa siyang makakahugot ng solidong suporta mula sa kanyang mga kababayan.

Inaasahan namang reresbak ang nagdedepensang si Jan Paul Morales at ang Navy-Standard Insu­rance matapos matakasan ni Joven sa Stage Four.

“Babawi na lang kami sa Stage Five,” sabi ng 31-anyos na si Morales, bumandera sa Stage Two at Three sa Vigan at Subic, ayon sa pagkakasunod.

Nauna nang inangkin ni Ronald Lomotos ang Stage One sa Vigan, Ilocos Sur na nagpasiklab sa ratsada ng Navy sa 14-stage event na inihahandog ng presentor na LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance.

Wala namang balak si Rudy Roque ng Navy na isuko ang paghawak niya sa individual overall classification.

Nagtala ang 25-anyos na si Roque ng oras na 11:12:15 kasunod sina Morales (11:13:45), Lomotos (11:14:33), Ryan Serapio (11:16:07) ng Team Ilocos Sur, Jay Lampawog (11:16:12) ng Navy, Reynaldo Navarro (11:16:21) ng Kinetix Lab-Army, Bonifacio (11:16:28), Daniel Ven Carino (11:16:35) ng Navy, Joven (11:16:48) at Ismael Grospe (11:17:43) ng Go for Gold.

Muling isusuot nina Roque at Morales ang Red at Blue Jersey, ayon sa pagkakasunod, sa Stage Five.

“Sasabay na lang ako sa unahan para maalagaan ko ‘yung lead ko,” sabi ni Roque, anak ni dating Tour veteran Manolito Roque.

Ang panalo nina Lomotos at Morales pati na ang pamumuno ni Roque sa overall standings ang nag-angat sa Navy sa overall team classification sa cycling event na may premyong P1 milyon para sa magkakampeon.

Show comments