LUCENA, Quezon, Philippines -- Inihalintulad ni Cris Joven ang kanyang kampanya sa 2017 LBC Ronda Pilipinas sa matinding giyera.
“Basta positive lang palagi ang nasa isip mo. Parang sa sundalo na malakas ang loob, hindi umuurong sa anumang laban at matibay ang paniniwala kay God,” wika ng Private First Class na si Joven.
Matapos ang dominasyon ng Navy-Standard Insurance sa Stages One, Two at Three ay inagaw naman ni Joven ng Kinetix Lab-Army ang 111-km Subic-Subic Stage Four noong Huwebes sa kanyang tiyempong dalawang oras, 40 minuto at 6 segundo.
Inunahan ni Joven sa finish line sina Jan Paul Morales ng Navy, Ryan Serapio ng Team Ilocos Sur, Elmer Navarrro at Joahus Mari Bonigacio ng Go for Gold, Jhunvie Pagnanawon ng Bike Extreme, Reynaldo Navarro ng Kinetix Lab-Army, James Paulo Ferfas ng Bike Extreme, Ronnilan Quita ng Kinetix Lab-Army at Rudy Roque ng Navy.
Sina Navymen Ronald Lomotos ang bumandera sa Stage One, habang si Morales, hangad ang kanyang back-to-back crown, ang naghari sa Stages Two at Three.
Hindi naman binibitawan ni Roque ang pangunguna sa individual overall classification sa kanyang 11:12:15 kasunod sina Morales (11:13:45),\ Lomotos (11:14:33), Serapio (11:16:07), Jay Lampawog (11:16:12) ng Navy, Reynaldo Navarro (11:16:21) ng Kinetix Lab-Army, Bonifacio (11:16:28), Daniel Ven Carino (11:16:35) ng Navy, Joven (11:16:48) at Ismael Grospe (11:17:43) ng Go for Gold.
“Talagang malakas 'yung Navy kasi matagal na silang magkakasama. Pero tao lang naman din sila at mahaba pa ang karera at marami pang maaaring mangyari,” sabi ni Joven.
Matapos angkinin ang Stage Four ay puntirya naman ng 30-anyos na tubong Iriga, Camarines Sur ang 251-km. Lucena-Pili Stage Five na bibitawan sa Linggo.
“Hindi ko pa naman iniisip 'yon, basta ako laban lang kung laban,” wika ni Joven sa cycling event na inihahandog ng presentor na LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance.
Isusuot pa rin nina Roque at Morales ang Red at Blue Jersey, ayon sa pagkakasunod, sa Stage Five.
Mula sa Lucena, Quezon ay magtutungo ang LBC Ronda Pilipinas sa Pili, Camarines Norte (Pebrero 14 at 16), Daet (Pebrero. 17), Paseo sa Sta. Rosa, Laguna (Pebrero 19), Tagaytay at Batangas (Pebrero 20), Calamba at Antipolo (Pebrero 21) at dalawang stages sa pagtatapos sa Iloilo City (Marso 2, 3 at 4).