Tile Masters matatag pa rin sa liderato
MANILA, Philippines - Napatatag ng Racal Ceramica ang kapit sa solong pamumuno matapos lusutan ang Wangs Basketball, 89-84 upang manatiling malinis ang kanilang rekord sa 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup, kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Naasahan ng Tile Masters si Kent Salado na siyang kumana ng husto sa fourth quarter kung saan naipasok nito ang walo sa 14 puntos ng kanilang tropa sa huling limang minuto.
Kumulekta si Salado ng kabuuang 14 puntos, dalawang rebounds at dalawang assists para tulungan ang Racal na makuha ang ikaapat na sunod na panalo.
“I warned them not to take Wangs for granted. Hirap na hirap kami sa kanila,” pahayag ni Tile Masters coach Jerry Codiñera.
Nagtala si Jackson Corpuz ng double-double na 18 markers, 14 boards, tatlong blocks at dalawang steals para sa Tile Masters habang nagdagdag si Sidney Onwubere ng 10 points at anim na rebounds.
Lumasap naman ang Wangs ng ikatlong sunod na kabiguan para mahulog sa 1-3 baraha.
Nanguna para sa Wangs si Rey Publico na may 16 points at anim na rebounds samantalang umani si Marlon Gomez ng 14 markers at pitong boards.
Sa ikalawang laro, sumosyo sa ikalawang puwesto ang Cafe France matapos pulbusin ang Jose Rizal University, 75-57.
Bumanat si Rod Ebondo ng 21 points, siyam na rebounds at tatlong blocks katuwang si Paul Desiderio na may 13 markers, walong boards at tatlong assists para sa Cafe France na umangat sa 3-1 at saluhan ang Tanduay na may katulad na rekord.
- Latest