DALLAS - Nagpasabog si guard C.J. McCollum ng 32 points, ang huling basket ay kanyang isinalpak sa natitirang 0.9 segundo, para akayin ang Portland Trail Blazers sa 114-113 pagtakas laban sa Mavericks.
Bago ang naturang tirada ni McCollum para sa Portland ay tumipa muna si Dirk Nowitzki ng dalawang three-pointers, at ang ikalawa ay ang potential game-winner sa huling 3.9 segundo para sa Dallas.
Nagdagdag naman si Damian Lillard ng 29 points para sa Blazers, naitabla ang kanilang season series ng Mavericks sa 2-2.
Pinangunahan ni Harrison Barnes ang Dallas sa kanyang 26 points kasunod ang 25 markers ni Nowitzki.
Naglaban ang dalawang koponan, nag-aagawan sa eighth at final playoff spot, para sa bentahe sa fourth quarter kung saan sila nagpalitan ng 13-0 atake.
Sa Houston, nagtala si James Harden ng 25 points at 13 assists para tulungan ang Rockets sa 128-104 paggupo sa Orlando Magic.
Nagposte ang Houston ng 23-point lead hanggang makadikit ang Orlando sa nine-point deficit matapos ang turnaround jumper ni Serge Ibaka sa gitna ng fourth period.
Muling nakalayo ang Rockets sa itinalang 112-97 kalamangan sa huling apat na minuto para tuluyan nang talunin ang Magic.
Nagsalpak si Patrick Beverley ng 7 points para itayo ang 120-99 sa huling dalawang minuto.
Kumolekta si Ibaka ng 28 points para sa Orlando kasunod ang 21 markers ni Evan Fournier.
Sa Charlotte, tinapos ng Hornets ang kanilang seven-game losing skid nang kunin ang 111-107 panalo kontra sa Brooklyn Nets.
Ito ang unang tagumpay ng Charlotte (24-28) matapos gibain ang Brooklyn noong Enero 21.
Umiskor sina Nicolas Batum, Kemba Walker at Marco Belinelli ng tig-17 points para banderahan ang Hornets.
Pinamunuan ni Bojan Bogdanovic ang Nets sa kanyang 22 points, habang may 20 markers si Brook Lopez.