Dumalo tayo sa isang party sa Greenhills noong isang gabi.
Sabi sa text ng PBA chief statistician na si Fidel Mangonon ay despedida party para kay dating PBA head coach Rino Salazar.
Nagbakasyon kasi si coach Rino at ang kanyang sweetheart na si Ma’m Rose mula sa American kung saan mahigit 20 taon na silang nakabase.
Mahaba ang pinagsamahan namin ni coach Rino sa PBA noong 1990s.
Hindi ko naman alam na isang malaking reunion pala ito ng old Ginebra players.
Bumungad sa aking pagpasok si coach Rino na agad naman akong itinuro sa isang special guest – si Robert “Big J” Jaworski, ang promotor ng ‘never-say-die’ spirit.
Patuloy ka pa rin mamamangha sa kanya.
Bilib ako sa pangangatawan ni Jawo, at biniro ko nga na parang puwede pa siyang maglaro.
“Para kundisyon ka, dapat alalay ka lang sa paglalaba at pagpaplantsa,” sabi ni Jawo.
Trademark joke kasi ito ni Jawo kahit noong araw pa.
Kung magpapaalam siya sa party, sasabihin lang na “Madami kasi akong labada sa bahay.”
Walang kupas si Jawo.
Nagsalita siya sa stage at pinuri ang dati niyang Ginebra, kasama na nga si coach Rino.
Nandun sila Noli Locsin, part-owner ng Chivz Bar, si Vince Hizon, EJ Feihl, Jayvee Gayoso, Bal David, Wilmer Ong, Benny Cheng, Mukesh Advani, Dodot Jaworski, Pido Jarencio, Mike Orquillas at Philip Cesar.
Naging hosts naman si Jimmy Santos ng Eat Bulaga at singer na si Richard Merk.
Masaya ang gabi. Inuman, kantiyawan at tawanan.
Sa pag-uwi mo ay may giveaway pa -- isang boteng Ginebra.