Maliksi nagpakilala sa 2 panalo ng Star

MANILA, Philippines - Dahil sa pagkawala ni two-time PBA Most Valuable Player James Yap sa Star ay nabigyan ng pagkakataon si athletic wingman Allein Maliksi na magpakitang-gilas kay coach Chito Victolero.

Sa dalawang sunod na panalo ng Hotshots ay kumamada ang 6-foot-3 na si Maliksi ng mga averages na 25.5 points at 5.0 rebounds na nagbigay sa kanila ng quarterfinal spot sa 2017 PBA Philippine Cup.

Ang kanyang kabayanihan ang nagbigay kay Maliksi ng una niyang Accel-PBA Press Corps Player of the Week award.

Inungusan ni Maliksi para sa weekly citation si Mahindra go-to-guy Alex Mallari, Alaska forward Kevin Racal, three-time league PBA MVP June Mar Fajardo ng San Miguel, GlobalPort gunner Terrence Romeo at TNT Katropa rookie Roger Pogoy.

Hindi nakaiskor ang dating tirador ng University of Santo Tomas sa first period bago nag-init sa sumunod na tatlong yugto para akayin ang Star sa 111-95 paggupo sa Blackwater noong nakaraang Miyerkules.

Tumapos si Maliksi na may personal season-high na 26 points na tinampukan ng limang three-point shots.

Matapos ang tatlong araw ay kumamada naman si Maliksi, ang 2011 PBA Rookie Draft No. 8 overall pick ng Barako Bull, sa 120-73 paglampaso ng Hotshots kontra sa sibak nang Meralco Bolts.

Tumipa ang 29-anyos na si Maliksi ng 17 sa kanyang 25 points sa arangkada ng Star sa first half para kunin ang kanilang ikatlong sunod na panalo.

Sa kanilang 6-4 baraha ay may tsansa ang Hotshots na madukot ang No. 2 berth para sa inaasam na 'twice-to-beat' incentive sa quarterfinals.

Ito ay kung tatalunin ng Star ang talsik nang Mahindra kasabay ng panalo ng Rain or Shine laban sa Alaska bukas.

 

Show comments