Wangs, Bakers makikisosyo sa liderato

MANILA, Philippines – Target ng Cafe France at Wangs Basketball na makisalo sa liderato sa kanilang pagharap sa magkaibang karibal sa pagpapatuloy ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup ngayong hapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Makakasagupa ng Bakers ang title contender Cignal-San Beda College sa alas-5 habang sasagupain ng Wangs ang Tanduay sa unang laro sa alas-3.

Nasa three-way tie sa No. 3 ang Cafe France, Wangs at Racal tangan ang pare-parehong 1-0 marka habang nangunguna ang AMA Online Education at Jose Rizal University na may magkatulad na 2-0 baraha.

Magarbo ang simula ng Cafe France nang pabagsakin nito ang Tanduay sa kanilang unang laro sa pamamagitan ng 83-67 panalo noong nakaraang linggo.

Malakas na nasasandalan ng Bakers sina Paul Desiderio at Michael Ca­lisaan na tunay na nagpasiklab sa kanilang unang pagsalang.

At umaasa si Cafe France coach Egay Macaraya na maipagpapatuloy ng kanyang tropa ang magandang laro sa mga susunod na laban.

“My recruits stepped up and that’s the positive for us. Hopefully, that conti­nues and everybody starts jelling,” wika ni Macaraya.

Ngunit kinakailangan ng Bakers na ilatag ang matikas na porma nito laban sa Hawkeyes na gigil na makabawi mula sa masaklap na 85-94 kabiguan sa kamay ng AMA Online Education noong Martes.

Naniniwala si Cignal coach Boyet Fernandez na magiging magandang motibasyon ang kanilang first-game loss upang mas maging determinado ang kanyang bataan.

“We just had to learn from the mistakes we had and look forward for our next game. It will be a tough one but it will help the players mature right away. If we get the maturity, we’ll be ready every game,” ani Fernandez.

Show comments