MANILA, Philippines – Naging madali para kay Paul Gaw, ang founder at producer ng FightCon, na kunin si Mixed Martial Arts superstar Brandon ‘The Truth’ Vera para maging Event Ambassador ng kanilang event sa Mayo 13.
“He’s gonna be part of the management team. Kumbaga lahat ng decisions namin we’ll also get inputs from Brandon Vera,” sabi ni Gaw sa Fil-American fighter.
Umagaw ng eksena ang 6-foot-2 na si Vera matapos magtala ng magkakasunod na panalo laban kina BJJ black belt Fabiano Scherner, Justin Eilers, Assuerio Silva at dating heavyweight champion Frank Mir.
Natalo si Vera, ipinanganak at lumaki sa Norfolk, Virginia, USA, kina Brazilian jiu-jitsu specialist Fabrício Werdum, Keith Jardine, Randy Couture, Jon Jones, Thiago Silva at Ben Rothwell.
Binitawan ng UFC ang 39-anyos na si Vera noong Hunyo 17, 2014 na tumapos sa kanyang eight-year run sa MMA promotion.
“Siyempre, he came from like UFC, One FC, parang mayroon siyang experience that he can share here na wala tayo na hindi natin probably alam or alam natin pero hindi lang natin nare-realize na kaya nating gawin,” dagdag ni Gaw kay Vera, ang kasalukuyang One FC heavyweight champion.
Magiging bisita si Vera sa 2017 FightCon sa Mayo 13 sa Metro Tent Convention Center.
“FightCon was designated to promote mixed martial arts, encourage athleticism and gather fighting and fitness communities in one event,” wika pa ni Gaw. “It serves as a hub for various activities that cater to fighters, fans and brands alike.”