MANILA, Philippines - Gagawaran ng Lifetime Achievement award si chess Grandmaster Eugene Torre sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Annual Awards Night sa Pebrero 13 sa Le Pavilion sa Pasay City.
Pinatunayan ni Torre na may ibubuga pa ito nang masungkit ang tansong medalya sa Board 3 ng 2016 Chess Olympiad na ginanap sa Baku, Azerbaijan.
Ito ang ika-23 pagsabak ni Torre sa Olympiad kung saan nagtala ito ng siyam na panalo at dalawang draws para sa 10 puntos sa 11-round tournament.
Magugunitang nakasiguro rin ng pilak si Torre sa Board 1 noong 1974 Olympiad na ginanap sa Nice, France.
Ilan sa mga kilalang personalidad na ginawaran ng parehong parangal ay sina basketball great Carlos Loyzaga, coaching icon Virgilio ‘Baby’ Dalupan, Francisco Elizalde, Mauricio Martelino at Carlos Padilla.
Makakasama ni Torre sa gabi ng parangal si Rio De Janeiro Olympics silver medalist Hidilyn Diaz na siyang tatanggap ng 2016 Athlete of the Year award.
Minsan na ring naging Athlete of the Year si Torre noong 1982 kasama sina bowler Bong Coo at dating world boxing champion Frank Cedeno.
Papangalanan din ang Executive of the Year, National Sports Association of the Year, Mr. Basketball, Mr. Golf, Mr. Football, Ms. Volleyball, Major awardees, citations, Tony Siddayao Awards at ang Milo Male at Female Junior Athletes of the Year.