MANILA, Philippines - Sa isang panayam ay ipinagyabang ni Australian fighter Jeff Horn na kaya niyang talunin si Filipino world-eight division champion.
Ito ay matapos niyang panoorin ang isinalubong na counter right straight ni Mexican great Juan Manuel Marquez na nagpatulog kay Manny Pacquiao sa sixth round sa kanilang ikaapat na pagtutuos noong 2012.
Ngunit hindi na bago kay Pacquiao ang pagyayabang ni Horn.
“He needs to prove it in the ring. Because in my previous fights many of them are saying they will stop me, they will knock me out and it’s not happening,” sabi ni Pacquiao kay Horn sa panayam ng Fox Sports Australia.
Idedepensa ni Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) ang kanyang suot na World Boxing Organization welterweight crown laban kay Horn (16-0-1, 11 KOs).
Bagama’t inihayag na ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang bakbakan nina Pacquiao at Horn ay hindi pa napapanalisa ang petsa at venue ng laban.
Ilan sa mga tinitingnan ni Arum para pagdausan ng Pacquiao-Horn fight ay ang Australia, United Arab Emirates at United States.
Itinutulak ng Duco Events, ang promoter ni Horn, na gawin ang banggaan sa Suncorp Stadium sa Brisbane na siyang hometown ng 28-anyos na Australian challenger.
“I’m hoping that the fight will be in Australia, I’d love to do that,” wika ng 38-anyos na si Pacquiao. “I’ve been to Australia once or twice but for gambling.”
Saglit na nagretiro si Pacquiao noong Abril matapos talunin si Timothy Bradley Jr. (33-2-1, 13 KOs) sa kanilang pangatlong paghaharap.
Sa kanyang comeback fight noong Nobyembre 6 ay dinomina ni Pacquiao si Mexican Jessie Vargas (27-1-0, 10 KOs) para agawin sa huli ang suot nitong WBO welterweight crown.