Gin Kings, Elite magpapasolido
MANILA, Philippines - Isang lumilipad na wingman laban sa isang matibay na rookie forward.
Ito ang masasaksihan sa pagtatapat nina Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra at rookie Mac Belo ng Blackwater ngayong alas-7 ng gabi sa 2017 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sa inisyal na laro ay magtutuos ang Rain or Shine at ang nanganganib na Meralco sa alas-4:15 ng hapon.
Parehong puntirya ng Gin Kings at Elite ang kanilang ikalawang sunod na panalo na magbibigay sa kanila ng malaking tsansang umabante sa eight-team quarterfinals cast.
Ang nagdedepensang San Miguel Beermen pa lamang ang nakatiyak ng tiket sa quarterfinals sa bisa ng kanilang 8-1 kartada.
“Blackwater is legit and playing great basketball,” sabi ni Ginebra two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone sa tropa ni Leo Isaac.
Si Belo, dating kamador ng Far Eastern University Tamaraws sa UAAP, ang bumabandera sa Elite sa kanyang mga averages na 16 points, 7.4 boards, 1.6 assists, 1.6 steals at 0.6 block per game.
Inaasahang ipapabantay ni Cone kay Aguilar si Belo sa kanilang laro.
Umiskor ang Ginebra ng 83-72 panalo laban sa Meralco sa Iloilo City noong Sabado, habang pinadapa naman ng Blackwater ang Alaska, 103-100, noong Linggo.
- Latest