Rockets pinasabog ang Bucks

Nailusot ni James Harden ng Rockets ang kanyang tira sa depensa ng Bucks sa kanilang laban sa NBA.

HOUSTON--Ginamit ni James Harden at ng Rockets ang kanilang depensa para makabalik sa winning track.

Kumamada si Harden ng 38 points, 8 assists at 6 rebounds para pamunuan ang Houston sa 111-92 paggupo sa bisitang Milwaukee Bucks.

Naipatalo ng Rockets ang tatlo sa kanilang huling apat na laro, ngunit nagposte ng season-high na 12 blocked shots at pinuwersa ang Bucks sa mahinang 39.8 percent shooting.

Nagsalpak si Harden ng isang three-pointer sa huling anim na minuto sa fourth quarter para ibigay sa Houston ang 13-point lead kasunod ang pagtawag ng Milwaukee ng timeout.

Nagdagdag si shooting guard Eric Gordon, naglaro na may tweaked ankle injury sa kanilang 103-109 kabiguan sa Heat sa Miami noong Martes, ng 25 points.

Hindi naman naglaro ang may sipon na si sharp-shooting power forward Ryan Anderson.

Humataw si Giannis Antetokounmpo ng 32 points, 11 rebounds, 6 assists at 3 blocks para sa Bucks, habang nagdagdag si Jabari Parker ng 15 points kasunod ang 14 markers ni reserve Michael Beasley.

Sa iba pang resulta, tinalo ng Sacramento ang Indiana, 91-88; pinadapa ng Philadelphia ang Toronto, 94-89; binigo ng Washington ang Memphis, 104-101; ginulat ng New York ang Boston, 117-106; pinayukod ng New Orleans ang Orlando, 118-98 at ipinagpag ng Detroit ang Atlanta, 118-95.

Show comments