MANILA, Philippines - Sa oras na mapanalisa ang venue ay kaagad na gagawa ng formal announcement si Bob Arum ng Top Rank Promotions para sa bakbakan nina Manny Pacquiao at Jeff Horn.
Sa panayam ng BoxingScene.com ay sinabi ni Arum na nakausap na niya ang Duco Events na humahawak kay Horn, nakabase sa Brisbane, tungkol sa posibleng pagdaraos ng laban sa Australia sa Abril 23.
“I just got off the phone with them, once they select the state it’s going to be at, whether it’s Brisbane or Melbourne, then we’ll go forward with an announcement and so forth,” wika ni Arum.
Nakatakdang itaya ng 38-anyos na si Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization welterweight crown laban sa 28-anyos na si Horn.
Si Horn, kumampanya sa Olympic Games noong 2012, ang No. 2 contender para sa hawak na WBO belt ni Pacquiao.
Sinasabing gagawin ng kampo ni Horn ang lahat para mahawakan ang kanyang laban kay Pacquiao sa Australia.
Kung makukumbinsi ng Duco Events ang pinuno ng Queensland na pondohan ang naturang Pacquiao-Horn fight ay gagawin ito sa 52,000-seater na Suncorp Stadium sa Brisbane,.
Samantala, inamin naman ni Arum na nakikipag-usap si Michael Koncz, ang Canadian adviser ni Pacquiao, sa ilang personalidad para gawin ang laban sa Middle East.
“Michael is part of the team. I think Michael is talking to people in the Mid-East as our we,” sabi ni Arum. “In other words, you never know who you’re dealing with in the Mid-East. You never know what’s going to come to fruition.”
Kung sino ang makakapagbigay ng malaking pondo para pamahalaan ang Pacquiao-Horn bout ay doon gagawin ang naturang bakbakab.
“So say Michael’s guy comes through and the number that they’re talking at turns out to be the biggest number – why wouldn’t we go there?,” wika pa ni Arum.