MANILA, Philippines - Babanderahan nina Cameroonian center Ben Mbala at Jeron Teng ng De La Salle University ang Collegiate Mythical Five sa gaganaping Collegiate Basketball Awards sa Enero 26 sa Montgomery Place Social Hall sa E. Rodriguez Ave., Quezon City.
Makakasama ng dalawa sina Allwell Oraeme ng Mapua Institute of Technology, Javee Mocon ng San Beda College at Jio Jalalon ng Arellano University na tunay na nagpamalas ng husay sa nakalipas na season.
Isa sa Mythical Five members ang tatanghaling Smart Player of the Year.
Nauna nang pinangalanan sina Aldin Ayo at Jamike Jarin bilang Coaches of the Year matapos tulungan ang La Salle at San Beda na makuha ang kampeonato sa kani-kanilang liga.
Si Mbala ang itinanghal na UAAP Season 79 Most Valuable Player, habang nakuha naman ni Teng ang Finals MVP plum.
Rumatsada sina Mbala at Teng nang gibain ng Green Archers ang Ateneo Blue Eagles sa finals para masungkit ang ikasiyam na korona sa liga.
Tinapos ng La Salle ang season tangan ang matikas na 16-1 rekod.
Sa kabilang banda ay nakuha naman ni Oraeme ang ikalawang sunod na MVP award sa NCAA.
Tinulungan din nito ang Cardinals na makabalik sa Final Four.
Malaki rin ang kontribusyon ni Mocon para sa tagumpay na tinamasa ng Red Lions.
Pinataob ng San Beda ang Arellano sa finals noong Oktubre para maibalik sa Mendiola ang korona ng NCAA.
Hindi rin matatawaran ang husay ni Jalalon na tinulungan ang Chiefs na makapasok sa finals ng dalawang beses sa tatlong seasons.
Kasalukuyan nang naglalaro si Jalalon sa PBA.