MANILA, Philippines - Asahan ang mas mabangis na University of the Philippines sa mga susunod na edisyon ng University Athletic Association of the Philippines.
Ito ang tiniyak ni UP head coach Bo Perasol matapos ang pagbuhos ng suporta sa kanyang tropa. Kaya naman mataas ang moral ng bataan nito partikular na sa pagsabak sa UAAP Season 80.
Impresibo ang ipinamalas ng UP sa Season 79 na tunay na nabigyan ng pansin ng karibal nito.
Nakalugmok sa 1-6 sa first round subalit malakas na puwersa ang inilatag ng Fighting Maroons sa second round nang ipanalo nito ang apat sa huling pitong laro kabilang na ang pagsorpresa sa runner-up Ateneo.
Subalit kapos pa rin ito upang makasiguro ng tiket sa Final Four.
Gayunpaman, magandang simula ito sa panig ng Fighting Maroons para sa susunod na labang haharapin nito.
“We need to build into that momentum which we created when we were able to get some strings of wins in the 2nd round of the last season. If we could be the team that doesn’t back down against anybody, I think we would be in a good place all the time,” ani Perasol.
Inaasahang magiging malaking tulong sina foreign student Ibrahim Ouattara at Cebuano recruit Jun Manzo sa kanilang kampanya.
May taas na 6-foot-9 si Outtara habang matikas din ang laro ni Manzo na may impresibong jumpers at crossovers .
“I’m very happy with the response of the community basing on the crowd which supported us in the last few games,” ani Perasol.
Malaking tulong din ang pagpasok ng Mighty Sports, Robinsons retail at Chooks to Go sa kanilang koponan.
Wala na sa koponan sina Jett Manuel, Dave Moralde at Henri Asilum ngunit nariyan pa rin sina guard Paul Desiderio at Javi Gomez de Liano na produkto ng UP Integrated School.
Nasa UP na rin si Nigerian center Bright Akhuetie na galing University of Perpetual Help. Subalit sasailalim pa ito sa one-year residency bago maging opisyal na miyembro ng Fighting Maroons. (CCo)