Mavericks giniba ang Suns sa Mexico; Nuggets hiniya ang Pacers sa London
MEXICO CITY--Naglista si guard Deron Williams ng 23 points at 15 assists para tulungan ang Dallas Mavericks sa 113-108 panalo laban sa Phoenix Suns sa ikaapat na NBA regular-season game na inilaro rito sa Mexico.
Nagdagdag si Harrison Barnes ng 22 points kasunod ang 18 markers ni Dirk Nowitzki para sa Mavericks, tinapos ang three-game losing skid.
Humugot naman si Devin Booker ng 29 sa kanyang 39 points sa fourth quarter para sa Suns, habang humakot si Tyson Chandler ng 14 points at 19 rebounds laban sa dati niyang koponan.
Magkatabla ngayon ang Dallas at Phoenix para sa worst record sa Western Conference sa magkatulad nilang 12-27 baraha.
Kinuha ng Phoenix ang 59-57 abante sa halftime, ngunit kumonekta si Williams ng dalawang three-pointers at isang jumper para sa 17-4 atake ng Dallas para sa kanilang 76-63 bentahe sa huling pitong minuto sa third quarter.
Nakalapit ang Suns sa apat na puntos matapos ang tres ni Booker sa huling 13 segundo, ngunit nagsalpak si Dorian Finney-Smith ng dalawang free throws para selyuhan ang panalo ng Mavericks.
Sa London, tumipa si Italian star Danilo Gallinari ng 18 points para ihatid ang Denver Nuggets sa 140-112 pagdurog sa Indiana Pacers.
Tinapos ng Nuggets ang kanilang five-game losing slump at winakasan ang five-game winning streak ng Pacers.
Nagposte si Nikola Jokic ng 22 points at 10 rebounds, habang may 21 markers si Wilson Chandler para sa Denver.
Sa iba pang resulta, tinalo ng New Orleans ang Brooklyn, 104-95.
- Latest