MANILA, Philippines - Hindi inisip ni Alex Cabagnot ang kanyang kapakanan.
Sa halip ay mas inuna niyang tulungan ang nagdedepensang San Miguel para patuloy na pangunahan ang 2017 PBA Philippine Cup.
Pinayuhan ng mga duktor na sumailalim sa surgery dahil sa kanyang depressed nasal fracture, naglaro pa rin si Cabagnot suot ang facial mask para igiya ang Beermen sa 72-70 paglusot kontra sa Ginebra Gin Kings noong Linggo.
“But we’re in the middle of the season now and there are certain things you gotta do and you gotta take care of. Put the priorities at hand first,” sabi ng University of Hawaii-Hilo standout na nagtala ng 14 points at 9 rebounds sa 118-93 panalo ng Beermen laban sa Elite noong Biyernes.
Noong Linggo ay kumamada naman ang 34-anyos na point guard ng 16 points sa third quarter para tulungan ang San Miguel na takasan ang Ginebra.
Inihatid ng left-handed guard ang Beermen sa huling dalawang panalo mula sa kanyang mga averages na 15.0 points, 4.5 rebounds at 3.0 assists.
Dahil sa kanyang kabayanihan ay hinirang si Cabagnot bilang unang Accel-PBA Press Corps Player of the Week awardee sa 2017.
Inungusan ni Cabagnot para sa weekly citation ang kanyang SMB teammates na sina Arwind Santos at June Mar Fajardo, Rain or Shine guard Jericho Cruz, NLEX guard Carlo Lastimosa at Globalort high-scoring gunner Terrence Romeo.
Ang naturang injury ay natamo ni Cabagnot matapos siyang bigyan ng hard foul ni Cliff Hodge sa third quarter sa panalo ng Beermen kontra sa Meralco Bolts noong Disyembre 28.
Dahil sa kanyang flagrant foul penalty 2 laban kay Cabagnot ay pinagmulta ng liga si Hodge ng P20,000.