MANILA, Philippines – Para magtagumpay ang Pilipinas sa mga sasalihang international competitions ay dapat tutukan lamang ang mga sports at atletang malaki ang tsansang manalo.
“We must carefully choose those who can contribute to this,” wika ni Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio.
Aminado si Panlilio na isang panaginip na lamang ang pag-angkin ng mga Filipino cagers sa Olympic gold medal, sinabi ng pinuno ng MVP Sports Foundation hindi ito nangangahulugan na wala nang tsansa ang bansa sa iba pang sports.
Ayon kay Panlilio, ang pagkilala lamang sa mga atletang may pag-asang makapag-uwi ng medalya sa Olympics at ang pagbibigay ng solidong suporta ang kailangan.
Kung hindi ito mangyayari ay patuloy na lamang magpapaluwal ng pondo ang Philippine Sports Commission sa mga sports na hindi makakapagbigay ng medalya mula sa Olympics.
Alam ng mga Southeast Asian countries na nanalo ng gold medals sa Olympics kung saan ito makukuha.
Tumutok ang Thailand, sumikwat ng siyam na Olympic golds, sa weightlifting at boxing at naging eksperto naman ang Indonesia, nanalo ng pitong Olympic golds, sa badminton at weightlifting.
Noong 2016 Rio Olympics ay nakamit ng Singapore ang kanilang unang Olympic gold sa swimming pati na ang Vietnam na nanalo sa shooting.
May 10 Olympic medals ang Pilipinas, ngunit wala rito ang gintong medalya.
Ang kalahati rito ay mula sa boxing na may tatlong silver medals, habang ang athletics at swimming ay may tig-dalawa.
Sa Rio Olympics ay binasag ni weightlifter Hidilyn Diaz ang 20-taong pagkauhaw sa medalya ng bansa nang angkinin ang silver medal sa women’s 53 kg class.
Ito ang unang Olympic medal ng bansa sa weightlifting.