PSC kailangan ng P300M para sa pagtataguyod ng PSI
MANILA, Philippines – Kailangan ng Philippine Sports Commission (PSC) ng karagdagang P300 milyon sa kanilang taunang pondo para masustina ang pagtataguyod ng Philippine Sports Institute.
Ito ang pahayag kahapon ni commissioner Fatima Celia Kiram na kailangan na talagang maibalik ng Pagcor ang original na 5 percent gross na kontribusyon nito sa PSC.
Sa ngayon ang PSC ay tumatanggap lamang ng 5 percent net mula sa Philippine Amusements and Gaming Corporations (Pagcor) simula ng baguhin ito noong panahon ni dating Presidente Fidel V. Ramos.
Ayon kay PSI national training director Marc Edward Velasco ang PSC ay gagastos ng mahigit P25 milyon kada buwan o mahigit P300 milyon kada taon para sa operation ng PSI na ilulunsad na ulit sa darating na Enero 16 sa Philsports Complex Multi-Purpose Arena sa Pasig City.
Ayon naman kay Kiram, ang naturang mahigit P300 milyon na gagastusin bawat taon para sa PSI ay kukunin mula sa National Sports Development Fund (NSDF).
Ang NSDF ay nagmula naman sa Office of the President kung saan nasa ilalim nito ang pangangalaga ng PSC.
“It’s really hard to sustain this PSI program but we need to do it. I just hope the contribution of Pagcor to the PSC will be returned to its original computation of five percent gross. So that we can insure the continued operation of the PSI,” sabi ni Kiram kahapon sa press conference na ginanap sa PSC Athletes Lounge.
Dagdag naman ni PSC Executive-Director Atty. Carlo Abarquez na kung ma-approve ang inihain din na batas sa Kongreso para ma-institutionalize ang PSI, magkakaroon na rin ito ng sariling budget galing sa General Approriations Act (GAA) kada taon.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang inimbitahan para maging guest speaker sa re-launching ng PSI, simula sa alas-3 ng hapon, ayon pa kay Velasco.
Bukod kay Pangulong Duterte, inimbitahan din sa pagtitipon ang ibat-ibang City Mayors at Provincial Governors mula sa iba’t-ibang lalawigan ng bansa at mga opisyales ng mga National Sports Associations (NSAs) at mga miyembro ng national training pool sa nasabing event.
- Latest