MANILA, Philippines – Pinayuko nina top seed Macie Carlos at second pick Gaby Zoleta ang kani-kanilang karibal upang umusad sa girls’ 14-under semifinals ng 28th Andrada Cup Junior Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Pinasadsad ni Carlos si Bettina Catoto, 6-0, 6-0 para makasagupa sa Final Four si Justine Maneja na nagtala naman ng 7-5, 6-0 panalo kay Kaye Ann Emana sa hiwalay na laro.
Nanaig naman si Zoleta kay Julia Ignacio sa pamamagitan ng 6-1, 6-3 desisyon.
Makakalaban ni Zoleta sa semis si Kryshana Brazal na umiskor ng 6-0, 2-6, 10-7 panalo kay Mica Ella Emana.
Pasok sa semis ng 12-under class si Kaye Ann Emana makaraang irehistro nito ang mabilis na 6-0, 6-0 panalo kay Alecsa Czarina Ilano.
Lalarga si Emana laban kay Marielle Jarata na nagtarak din ng magaan na 6-0, 6-0 pananaig laban naman kay Sofia Gomez.
Ginulantang naman ni Aljohn Talatayod si No. 4 Jeremiah Macias III, 6-0, 6-2, habang namayani si Jules Lazaro kay No. 6 Aidyll Ignacio, 6-4, 3-6, 10-4 para pangunahan ang mga quarterfinalists sa boys’ 18-under.
Pasok din sina No. 5 Emmanuel Fuellas na tinalo si PJ Quizon, 6-0, 6-2 at No. 7 Jake Martin na may 6-3, 6-0 panalo kay Jaime Chuidian.
Sa boys’ 16-under division, wagi si fifth seed Jan Harold Trillanes kay Jerome Ignacio, 6-3, 2-6, 10-5, para iselyo ang quarterfinal duel kay top seed Janus Ringia na pinataob si Michael Tullo, 6-0, 6-0.
Ang iba pang nanalo ay sina No. 3 Jose Antonio Tria kay Jeremiah Macias IV, 6-0, 6-0; No. 6 Angelo Aparte kay Daniel Estanislao, 6-0, 5-4 (ret.) at No. 7 Athan Arejola kay Jude Hidalgo, 6-2, 6-2.