MANILA, Philippines - Inangkin ni Kylde Lagarde ang boys’ 16-and-under crown, habang sinikwat ni Mikaela Vicencio ang girls’ 16-U title sa Palawan Pawnshop-Palawan Express Pera Padala regional age-group tennis circuit sa Brookside Hills Tennis Club sa Cainta, Rizal kahapon.
Nagmula sa Gen. Santos City, dinomina ni Lagarde si Wilfred Bentillo, 6-0, 6-2, samantalang kinuha ni Vicencio ng Bulacan, ang come-from-behind 1-6, 6-2, 10-7 victory laban kay Miles Vitaliano para magsosyo sa top honors sa Group 2 tournament na nagsisilbing final leg ng record na nationwide 46-stage circuit na itinataguyod ng Palawan Pawnshop at inihahandog ng Slazenger.
Kapwa naman nabigo ang parehong 16-anyos na sina Lagarde at Vicencio na makuha ang kanilang ikalawang titulo nang matalo sa 18-U finals ng event na may basbas ng Philta at suportado ng Asiatraders Corp., ang exclusively distributor ng Slazenger.
Tinalo ni top seed Cenon Gonzales Jr. ng Ateneo si Lagarde, 6-2, 7-6 (5) at binalikan ni Vitaliano si Vicencio mula sa 1-0 (ret.) win sa premier division ng pinakamalaki at pinakamatandang age group circuit na nagtatampok sa ilang Open tournaments para sa mga elite players.
“No player actually scored two victories, further underscoring the level playing field that has been the norm of the circuit with new faces continuing to emerge from the big number of participants,” sabi ni Palawan Pawnshop president/CEO Bobby Castro.