Rockets pinalubog ang Phoenix Suns

Pilit na inaagaw ni PJ Tucker ng Suns ang bola kay James Harden ng Rockets.

PHOENIX -- Matapos magsalpak lamang ng anim na three-points sa kanilang huling laro ay nag­­liyab naman ang mga ka­may ng Houston Roc­kets sa 3-point range para sunugin ang Suns, 125-111, dito sa Talking Stick Resort Arena.

Binanderahan nina James Harden at Eric Gordon ang long-range sniping sa pinagsama nilang 12 tri­ples sa kabuuang 18 ng Houston.

Tumapos sina Harden at Gordon na may 27 at 24 points, ayon sa pagkaka­sunod.

Nanggaling ang Roc­kets sa kabiguan sa mga ka­may ng San Antonio Spurs na pumigil sa ka­nilang 10-game winning streak.

Isinalpak ni Gordon ang apat sa kanyang pitong triples sa second quarter at kumonekta ng tatlo sa fourth period.

Kumonekta naman si Har­den ng apat sa kanyang limang tres sa second half kung saan nagpaka­wala ang Rockets ng 15-5 atake para ibaon ang Suns.

Ang back-to-back triples ni Harden sa duo ng fourth quarter ang nagbigay sa Houston ng 20-point lead, 120-100, laban sa Phoenix.

Pitong Rockets players ang tumapos sa double fi­gures kasama ang lahat na starters para sa kanilang 22-8 record.

Nagtala si guard Patrick Beverley ng 18 points, 9 rebounds at 9 assists, habang nag-ambag sina Montrez Harrell at Ryan Anderson ng 17 at 15 markers, ayon sa pagkakasunod.

Sa Cleveland, humataw si Irving ng 31 points at career-high 13 assists, habang umiskor si LeBron James ng 29 markers para pangunahan ang Cavaliers sa ikalawang sunod na panalo sa loob ng 24 oras laban sa Bucks, 113-102.

Hindi naglaro para sa reigning champions si Kevin Love sa ikalawang sunod na laro  bunga ng bruised left knee, samanta­lang may broken right thumb naman si J.R. Smith.

Sa New Orleans, kuma­mada si Russell Westbrook ng 42 points at 10 rebounds, habang tumipa si rookie Alex Abrines ng limang tri­ples para tumapos na may career-best 18 points sa 121-110 panalo ng Thunder laban sa Pelicans.

Umiskor si Abrines ng 9 points sa pinakawalang 11-0 atake ng Oklahoma City sa fourth quarter para iwanan ang New Orleans.

Show comments