Rockets pinalubog ang Phoenix Suns
PHOENIX -- Matapos magsalpak lamang ng anim na three-points sa kanilang huling laro ay nagliyab naman ang mga kamay ng Houston Rockets sa 3-point range para sunugin ang Suns, 125-111, dito sa Talking Stick Resort Arena.
Binanderahan nina James Harden at Eric Gordon ang long-range sniping sa pinagsama nilang 12 triples sa kabuuang 18 ng Houston.
Tumapos sina Harden at Gordon na may 27 at 24 points, ayon sa pagkakasunod.
Nanggaling ang Rockets sa kabiguan sa mga kamay ng San Antonio Spurs na pumigil sa kanilang 10-game winning streak.
Isinalpak ni Gordon ang apat sa kanyang pitong triples sa second quarter at kumonekta ng tatlo sa fourth period.
Kumonekta naman si Harden ng apat sa kanyang limang tres sa second half kung saan nagpakawala ang Rockets ng 15-5 atake para ibaon ang Suns.
Ang back-to-back triples ni Harden sa duo ng fourth quarter ang nagbigay sa Houston ng 20-point lead, 120-100, laban sa Phoenix.
Pitong Rockets players ang tumapos sa double figures kasama ang lahat na starters para sa kanilang 22-8 record.
Nagtala si guard Patrick Beverley ng 18 points, 9 rebounds at 9 assists, habang nag-ambag sina Montrez Harrell at Ryan Anderson ng 17 at 15 markers, ayon sa pagkakasunod.
Sa Cleveland, humataw si Irving ng 31 points at career-high 13 assists, habang umiskor si LeBron James ng 29 markers para pangunahan ang Cavaliers sa ikalawang sunod na panalo sa loob ng 24 oras laban sa Bucks, 113-102.
Hindi naglaro para sa reigning champions si Kevin Love sa ikalawang sunod na laro bunga ng bruised left knee, samantalang may broken right thumb naman si J.R. Smith.
Sa New Orleans, kumamada si Russell Westbrook ng 42 points at 10 rebounds, habang tumipa si rookie Alex Abrines ng limang triples para tumapos na may career-best 18 points sa 121-110 panalo ng Thunder laban sa Pelicans.
Umiskor si Abrines ng 9 points sa pinakawalang 11-0 atake ng Oklahoma City sa fourth quarter para iwanan ang New Orleans.
- Latest