Kumolekta ng 9 golds sa Hamilton Aquatics: Most Bemedalled Award iginawad kay Mojdeh
DUBAI, UAE - Mula sa kanyang sinikwat na siyam na gold medals, hinirang si Philippine Swimming League standout Micaela Jasmine Mojdeh bilang Female Most Bemedalled Swimmer sa pagsasara ng 2016 Hamilton Aquatics Winter Long Course Swimming Championship dito.
Ibinigay sa estudyante ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque ang parangal matapos walisin ang lahat ng kanyang siyam na events sa girls’ 10-year category.
“I prepared for this, I trained very hard and I’m so happy that I did it. I would like to thank my parents (Joan and Modj) for all their support and of course my coach, coach Susan Papa for helping me throughout this competition,” wika ni Mojdeh.
Sa Day One ay kaagad kumuha si Modjeh ng limang gintong medalya mula sa kanyang mga panalo sa 50-meter freestyle (31.88), 200m butterfly (2:43.88), 200m freestyle (2:30.41), 100m butterfly (1:12.48) at 200m breaststroke (3:05.47).
Dala ang determinasyong makapagbigay ng karangalan sa bansa, humataw si Mojdeh ng apat pang gintong medalya sa 100m freestyle (1:09.76), 200m Individual Medley (2:44.66), 50m butterfly (32.44) at 100m backstroke (1:22.40) sa Day Two.
Ayon kay Mojdeh, kailangan pa niyang mapaganda ang kanyang oras sa mga events na sinasalihan.
“I need to improve more for future international competitions because it’s more fulfilling when you’re winning medals for our country,” sabi ni Mojdeh. “For now, I’ll just enjoy this achievement with my parents and coaches.
Si Mojdeh ay isa sa mga ginawaran ng Tony Siddayao award (citation for young achievers in the country) sa 2016 Philippine Sportswriters Association Awards Night noong Pebrero.
Ito ang ikaanim na international competition na nilahukan ni Mojdeh sa taong ito.
Kumuha ng gintong medalya ang Most Outstanding Swimmer awardee na si Mojdeh sa Tokyo Winter Swimming Championship sa Japan noong Pebrero, sa Indian Ocean All-Star Challenge sa Perth, Australia noong Marso, Stingray Invitational Swimming Championship sa Hong Kong noong Abril, sa SICC Swimming Championship sa Singapore noong Agosto at sa Buccaneer Swimming Championship sa Tokyo, Japan noong Oktubre.
“Jasmine is one of the products of the Philippine Swimming League’s grassroots development program and we’re happy that we’re seeing good results of our program. We will continue exposing these, guide them and help them achieve their dreams of someday becoming an Olympian or a world champion,” ani PSL president Susan Papa.
Sa Hamilton Aquatics Winter Long Course Swimming Championship ay kumolekta ang PSL ng kabuuang 21 gold, 15 silver at 13 bronze medals.
Nag-ambag din ng gintong medalya sina Triza Haileyana Tabamo ng Holy Spirit School-Tarlac (tatlong ginto, dalawang pilak at tatlong tanso), Albert Sermonia II ng Diliman Preparatory School (tatlong ginto, dalawang pilak at dalawang tanso), Jerard Dominic Jacinto ng University of the East (tatlong ginto), Kyla Soguilon ng Sun Yat Sen School-Kalibo (dalawang ginto, limang pilak at isang tanso), at Rio Lorenzo Malapitan ng Divine Word College-Calapan (isang ginto, isang pilak at dalawang tanso).
Ang iba pang kumuha ng medalya ay sina Sean Terence Zamora ng University of Santo Tomas (tatlong pilak at isang tanso), Sean Elijah Enero ng Mapua Institute of Technology (isang pilak at isang tanso), Paul Christian King Cusing ng Diliman Preparatory School (isang pilak), Drew Benett Magbag ng University of the Philippines (dalawang tanso) at Jeffrey Michael Hirao ng College of Saint Benilde (isang tanso).
- Latest