Leonard, Aldridge nagtuwang sa final canto para sa panalo ng Spurs

Pinuwersa ni power forward Kawhi Leonard ng Spurs si Suns’ guard Leandro Barbosa sa first half ng kanilang sagupaan sa Phoenix.

PHOENIX -- Isang malaking atake sa fourth quarter ang nagbigay sa San Antonio Spurs ng kanilang ikatlong sunod na panalo.

Nagtuwang sina Kawhi Leonard at LaMarcus Aldridge sa final canto para tulungan ang Spurs sa 107-92 paggupo sa Suns sa Talking Stick Resort Arena.

Kinuha ng Spurs ang 68-59 abante sa dulo ng third period hanggang maagaw ng Suns ang 77-76 bentahe sa kaagahan ng fourth quarter.

Kumamada naman sina Leonard at Aldridge ng pi­nagsamang 15 points sa inihulog na 21-3 bomba ng San Antonio para iwanan ang Phoenix sa 97-80 sa hu­ling 4:18 minuto.

Kapwa ipinasok ng dalawang koponan ang kanilang mga reserves sa huling 2:49 minuto kung saan bitbit ng Spurs ang 17-point lead, 99-82, matapos ang jumper ni Tony Parker.

Tumapos sina Leonard at Pau Gasol na may tig-18 points para sa San Antonio (21-5), habang umiskor si Aldridge ng siyam sa kanyang 14 markers sa fourth quarter.

Nag-ambag sina Parker at Dewayne Dedmon ng tig-11 points.

Sa Oakland, pinadapa ng Golden State Warriors ang New York Knicks, 103-90, para sa kanilang ikatlong sunod na panalo.

Isang 17-2 atake ang inilunsad ng Warriors para maibaon ang Knicks sa 83-58 para tuluyan nang selyuhan ang kanilang panalo.

Umiskor si Klay Thompson ng 25 points sa tatlong quarters para pamunuan ang Golden State sa 23-4 card, habang tumapos si. JaVale McGee na may season-high 17 markers.

Nag-ambag si Kevin Durant ng 15 points, 14 rebounds at 8 assists at nalimitahan si Steph Curry sa 8 points subalit may 10 boards at 8 assists.

Sa Denver, kumamada si Danilo Gallinari ng 27 points para ihatid ang Nuggets sa 132-120 panalo laban sa Portland Trail Blazers.

Nabalewala ang itinalang 40 points at 10 assists ni Damian Lillard’ para sa Trail Blazers.

Umiskor si Gallinari ng 20 points sa first half kung sa­an kaagad kumawala ang Denver (10-16) hawak ang 74-56 bentahe patungo sa pagtatala ng 23-point lead laban sa Portland.

Show comments