MANILA, Philippines – Ibinuhos ng reigning champion University of Perpetual Help System Dalta ang ngitngit nito sa Emilio Aguinaldo College matapos iselyo ang 25-23, 25-19, 25-15 panalo upang makabalik sa porma sa NCAA Season 92 men’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagsanib-puwersa ang Taneo brothers nang kumana si Rey ng siyam na attacks at apat na blocks habang nakalikom si Relan ng 30 excellent sets para dalhin ang Altas sa ikalawang panalo sa tatlong laro
Bagsak naman ang Generals sa 0-4 baraha.
Sa women’s division, inilampaso rin ng Perpetual Help ang EAC, 25-15, 25-17, 25-18 para makuha ang unang panalo matapos yumuko sa reigning titlist College of St. Benilde at San Beda College sa kanilang unang dalawang laro.
Parehong umukit ng 11 puntos sina Lourdes Clemente at Jamela Suyat habang nakalikom naman ng 10 si Cindy Imbo at pito si Necelle Gual para sa Lady Altas.
Wala pa ring panalo ang Lady Generals sa tatlong pagsalang.
Sa juniors, ginulantang ng EAC ang nagdedepensang Perpetual Help sa bisa ng pukpukang 25-23, 19-25, 23-25, 25-21, 17-15 panalo upang masolo ang pamumuno.