MANILA, Philippines – Sa 96-88 panalo ng nagdedepensang San Miguel laban sa Star sa pagbubukas ng 2016-2017 PBA Philippine Cup ay hindi ginamit ni coach Leo Austria sina rookies Arnold Van Opstal at Rashawn McCarthy.
“Pasensya na sa kanila. First game kasi at kailangan naming manalo,” sabi ni Austria kina Van Opstal at McCarthy. “This is the first game and we definitely wanted to win. It (win) would be a morale booster for us.”
Inaasahang bibigyan ni Austria ng playing time sina Van Opstal at McCarthy sa pagsagupa ng Beermen sa Phoenix Fuel Masters ngayong alas-7 ng gabi matapos ang laro ng Rain or Shine Elasto Painters sa Mahindra Floodbusters sa alas-4:15 ng hapon sa Antipolo City.
Hangad ng San Miguel at Rain or Shine na makasosyo sa liderato ang Blackwater, nagdadala ng 2-0 record.
Humakot si three-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo ng 25 points at 16 rebounds, sa paggiba ng Beermen sa Hotshots, habang nagdagdag si Alex Cabagnot ng 22 markers at 8 assists at may 17 markers si Arwind Santos.
Nanggaling naman ang Fuel Masters sa 87-94 pagkatalo sa Elite sa kanilang unang laro.
Sa unang laro, hangad ng Rain or Shine na maduplika ang 101-87 panalo laban sa TNT Katropa sa pagsagupa sa Mahindra.
Sa naturang panalo ay umiskor ng double figures sina Raymond Almazan, Jericho Cruz, Beau Belga, Gabe Norwood, Maverick Ahanmisi at rookie Mike Tolomia.
Kumolekta si Tolomia, kinuha mula sa Gilas Pilipinas pool, ng 11 points, 4 rebounds, 2 assists, 1 steal at 1 turnover sa kanyang PBA debut.