NLEX, Alaska maggigirian sa unang panalo

Laro Ngayon

(Smart Araneta Coliseum)

4:15 p.m. Mahindra vs Globalport

7 p.m. Alaska vs NLEX

 

MANILA, Philippines - Naniniwala si veteran center Asi Taulava na si head coach Yeng Guiao ang ‘missing piece’ para sa pinapangarap na kauna-unahang PBA championship ng NLEX.

Kaya naman handa ang 43-anyos na Fil-To­ngan na gawin ang lahat ng ipapagawa sa kanya ni Guiao sa loob ng hardcourt.

“Every team he’s handled, he’s been able to win a championship for them and I got two years left with NLEX, so I’m looking forward to it,” sabi  ng 6-foot-9 na si Taulava. “Whatever he tells me to do, I’m gonna go out there and do it.”

Sisimulan ni Guiao ang paggiya sa Road Warriors sa pagsagupa sa Alaska Aces ngayong alas-7 ng gabi matapos ang laro ng Globalport Batang Pier at Mahindra Flood Busters sa alas-4:15 ng hapon sa 2016-2017 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Matapos tulungan ang Rain or Shine na makakuha ng dalawang PBA  championship ay ang NLEX naman ang pipi­litin ni Guiao na maihatid sa pinapangarap nitong kauna-unahang titulo.

Nagtala ang Road Warriors sa ilalim ni dating mentor Boyet Fernandez ng 5-6 record sa nakaraang PBA Philippine Cup para tumapos sa ika-pitong puwesto.

Bilang pagpapalakas sa koponan ay kinuha naman ni Guiao si All-Star guard Carlo Lastimosa mula sa Blackwater bilang kapalit ni James  Forrester at isang second round draft pick.

Hinugot naman ni Guiao sina Bradwyn Guinto at journeyman Chito Jaime buhat sa Mahindra kapalit nina Reden Celda, Rob Reyes at Jeckster Apinan at si Ateneo center Fonzo Gotladera mula sa Gilas Pilipinas pool.

“I am not a miracle worker, but we will build this team into a championship ready squad,” sabi ni Guiao sa una nilang pagkikita ng NLEX matapos mahirang bilang bagong mentor.

Show comments