No. 1 berth pag-aagawan ng Foton at Petron

MANILA, Philippines – Paglalabanan ng nag­de­depensang Foton at Pet­ron ang top seeding sa se­­mifinal round sa 2016 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix women’s volley­ball tournament ngayong hapon sa The Arena sa San Juan City.

Babasagin ng Tornadoes at Tri-Activ Spikers ang kanilang pagtatabla sa bakbakang nakatakda sa alas-7 ng gabi.

Magsisilbi namang ap­pe­tizer ang duwelo ng RC Cola-Army at Cignal sa alas-5 ng hapon.

Magkasosyo sa liderato ang Foton at Petron hawak ang parehong 8-1 marka.

Nakasiguro na ng tiket ang dalawang koponan sa se­mis ngunit inaasahang ila­labas pa rin ng mga ito ang kanilang lakas upang ma­ging maganda ang ka­nilang pag-entra sa susunod na yugto.

Babanderahan ang Tri-Activ Spikers ni American import Stephanie Niemer na bukod sa matatalim na atake sa front line, nagtatag­lay din ito ng pamatay na ser­­vices na lubos na nagpa­pa­hirap sa reception ng ka­­nilang mga nakakalaban.

Makakatuwang ni Nie­mer si FIVE Women’s World Club Championship vete­ran Ces Molina gayundin si­na Aiza Maizo-Pontillas, Christine Joy Rosario, Jen Reyes, April Ross Hingpit at isa pang reinforcement na si Serena Warner.

Ngunit hindi pakakabog ang Tornadoes na nagta­taglay ng matangkad na lineup sa pangunguna ni 6-foot-5 Jaja Santiago na ga­ling sa training camp sa Ja­pan kasama ang National University.

Aariba rin para sa Foton sina American imports Lindsay Stalzer at Ariel Usher, habang malaki rin ang ma­gi­ging parte nina middle blockers Dindin Santiago-Manabat at Maika Ortiz, setter Rhea Dimaculangan at libero Bia General.

Sinabi ni Foton mentor Moro Branislav na magandang pagkakataon ang ka­­nilang pakikipagtipan sa Petron upang maihanda ang kaniyang tropa para sa semis.

“We will use it to prepare us in the semifinals. We’re more focused on our semis game. It’s a knockout format so we really have to be prepared and more careful,” ani Branislav.

Show comments