La Salle tatapusin agad ang Adamson

Armado ang La Salle ng twice-to-beat advantage nang kubrahin nito ang No. 1 spot matapos ang double round-robin eliminations tangan ang 13-1 rekord.
JUN MENDOZA

MANILA, Philippines – Sasarguhin ng De La Salle University ang unang silya sa finals sa pakiki­pagtipan sa Adamson University sa paglarga ng Final Four ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nakatakda ang duwelo ng Green Archers at Soaring Falcons sa alas-4 ng hapon.

Armado ang La Salle ng twice-to-beat advantage nang kubrahin nito ang No. 1 spot matapos ang double round-robin eliminations tangan ang 13-1 rekord.

Nasa ikalawang puwesto naman ang Ateneo de Manila University na may 10-4 baraha para hablutin ang ikalawang twice-to-beat card sa semis. Pumangatlo ang Far Eastern University (9-5) at ikaapat ang Adamson (8-6).

Maghaharap sa hiwalay na Final Four game ang Eagles at Tamaraws sa Biyernes sa parehong venue.

Hawak ng Green Archers ang 2-0 rekord laban sa Soaring Falcons sa taong ito.

Nanaig ang La Salle sa first round sa bisa ng 91-75 desisyon ngunit pinahirapan ito ng Adamson sa second round bago kunin ang 86-79 pananaig.

Tiyak na ibubuhos ni Jeron Teng ang buong lakas nito upang magkaroon ng magandang pagtatapos ang kanyang college career.

“Gusto ko lang talaga ibigay ang best ko dahil last year ko na ito. Every game talagang I’m giving my best,” wika ni Teng na may average na 16.9 points, 3.3 rebounds at 2.1 assists sa eliminasyon.

Malakas na puwersa rin ang manggagaling kay MVP frontrunner Came­roonian Ben Mbala na may impresibong 20.71 points, 16.29 boards at 2.14 blocks kada laro.

Balanse ang rotation ng Green Archers dahil nariyan din sina Aljun Melecio, Abut Tratter, Paolo Rivero, Kib Montalbo, Thomas Torres, Andrei Caracut, Jolo Go at Julian Sargent na naka­handang umariba sa oras ng pangangailangan.

“All teams in the Final Four are competitive and we know it’s not going to be easy. All the coaches are good. We need to establish our system, we will back to the basics and fundamentals,” pahayag ni La Salle mentor Aldin Ayo.

Nais naman ng Adam­son na lubusin na ang kanilang pagpasok sa Final Four. Ito ang unang pagkakataon na masisilayan sa semis ang Soaring Falcons sapul noong 2011.

Maliban pa rito, makakaharap ni Adamson coach Franz Pumaren ang kanyang dating bataan sa La Salle.

Maganda ang lipad ng Soaring Falcons sa kamay ni Pumaren.

Galing ito sa apat na sunod na panalo kabilang ang krusyal na pananaig laban sa FEU (61-59) at National University (77-53) na siyang tumulong sa kanila upang makabalik sa semis.

Aasahan ng Adamson sina Jerrick Ahanmisi, Papi Sarr, Robbie Manalang at Simon David.

Show comments