Speights iginiya ang Clippers laban sa Bulls
LOS ANGELES - Bumangon ang league-leading na Clippers sa pamamagitan ng 30 points sa fourth quarter para balikan ang Chicago Bulls, 102-95.
Ang panalo ng Clippers ang tumapos sa four-game winning streak ng Bulls.
Binanderahan ni Marreese Speights ang pagresbak ng Clippers para kunin ang kanilang ikalawang sunod na panalo at ika-12 sa kabuuang 14 laro.
Tumapos si Speights na may season-high 16 points, ang 11 dito ay kanyang iniskor sa fourth period para sa Clippers.
Bumandera si Blake Griffin para sa Los Angeles sa kanyang 26 points at 13 rebounds, habang nagtala si Chris Paul ng 19 points at 8 assists.
Nagsalpak si Dwyane Wade ng limang triples para sa kanyang 28 points sa panig ng Chicago, nalasap ang kanilang pang-limang kabiguan sa 13 laro.
Nagdagdag si Jimmy Butler ng 22 points kasunod ang 11 ni Taj Gibson at 10 ni Robin Lopez.
Sa Milwaukee, dumiretso ang Golden State Warriors sa kanilang pang-pitong sunod na panalo matapos magsalpak sina Kevin Durant, Klay Thompson at Stephen Curry ng pinagsamang 78 points sa 124-121 pagtakas sa Bucks.
Nagtala si Durant ng 33 points kasunod ang 25 ni Thompson at 20 ni Curry para sa 11-2 record ng Warriors.
Pinamunuan naman ni Giannis Antetokounmpo ang Bucks sa kanyang 30 points.
- Latest