Jaja humataw sa Foton
MANILA, Philippines – Sakto ang pagdating ni Jaja Santiago na siyang tumulong upang dalhin ang nagdedepensang Foton sa 25-20, 20-25, 29-27, 21-25, 15-7 panalo sa RC Cola-Army kagabi sa 2016 Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa Philsports Arena sa Pasig City.
Naging matatag na armas ng Tornadoes ang matatalim na services nito kasama ang solidong reception para pigilan ang Lady Troopers at umangat sa 7-1 baraha.
Nagsumite si Santiago ng 22 kills, limang blocks at tatlong aces habang malakas na suporta ang inilatag ni American import Lindsay Stalzer na nagrehistro naman ng 25 puntos.
“This is such a good win for us. Although we’re glad with the win, our focus is the playoffs because anything can happen there. I’m just glad with how the team responded after our previous lost,” ani Serbian Foton coach Moro Branislav.
Bumagsak ang Lady Troopers sa 3-5 marka.
Nanguna para sa Lady Troopers si dating UST juniors national team member Kierra Holst na umani ng 24 puntos samantalang nag-ambag si Jovelyn Gonzaga ng 17 puntos at 15 naman si Honey Royse Tubino.
Sa unang laro, natagpuan na ng Generika ang tamang kumbinasyon nang gimbalin ang Cignal, 25-15, 25-20, 25-22 para makuha ang unang panalo.
Umariba ng husto para sa Lifesavers si Ukrainian import Polina Liutikova nang magtala ito ng pitong attacks, dalawang aces at isang block habang nakatuwang nito si open hitter Shaya Adorador ng siyam na markers.
Sumulong sa 1-9 rekord ang Generika habang bagsak sa 1-7 ang HD Spikers.
Nangibabaw para sa HD Spikers si Sandra Delos Santos na naglista ng 12 points habang nagdagdag naman ai American import Laura Schaudt ng 11 markers.
Bigong makakuha ng puwersa ang Cignal mula kina Paneng Mercado, Mylene Paat at Janine Marciano.
Hindi pa ring nakapaglaro si Puerto Rican import Lynda Morales na may iniindang injury.
- Latest